Frasco Natutuwa si DOT Secretary Christina Garcia Frasco kaugnay sa kahalagahan ng mga pangunahing imprastraktura para sa pag-unlad ng mga bayan gaya ng kauna-unahang Tourist Rest Area sa Iloilo.

Sec. Frasco: Basic infra kailangan para umunlad ang bayan, bansa

Jon-jon Reyes Aug 29, 2024
88 Views

SINIMULAN nang gawin sa pangunguna ng Department of Tourism (DOT) noong Agosto 23 ang Tourist Rest Area (TRA) sa Brgy. Igpaho, Tubungan, Iloilo.

Ayon kay DOT Secretary Christina Garcia Frasco, mahalaga din ang isinagawang memorandum of agreement (MOA) signing sa pag-unlad ng mga bayan sa bansa.

“Kailangan talaga ng basic infrastructure para umunlad ‘yong ating bayan at umunlad ‘yong ating bansa,” sabi ni Frasco.

Sa pamamagitan ng sangay ng imprastraktura ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), at sa pakikipagtulungan ng mga local government units (LGUs), inilunsad ng DOT ang flagship TRAs sa buong bansa.

Ang proyekto bahagi ng mas malawak na pambansang pagsisikap na palaganapin ang pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng turismo alinsunod sa pananaw ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Binigyang-diin ni Secretary Frasco ang kahalagahan ng pagbibigay sa mga turista ng mahahalagang amenities tulad ng ibang TRAs na may malinis na banyo, shower at isang pasalubong center upang suportahan ang mga lokal na micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Ang TRA sa Tubungan nasa tabi ng Baldan View Deck kung saan matatanaw ang magagandang bundok ng Tubungan sa kahabaan ng Tourism Road Infrastructure Project (TRIP).

Ang TRA inaasahang magpapalakas din ng lokal na ekonomiya ng Tubungan at mga karatig na munisipalidad nito pati na sa kalapit na lalawigan ng Antique.

“Maaaring maliit ang (Tubungan) na bayan, ngunit ito ay malaki sa puso at mas malaki pa ang potensyal. Kaya umaasa tayo na sa pamamagitan ng Tourist Rest Area na ito patuloy nating suportahan ang napaka-matagumpay na mga hakbangin sa turismo ng lalawigan ng Iloilo,” ani Kalihim Frasco.

Nagpasalamat sa DOT si Tubungan Mayor Roquito Tacsagon at sinabi na ang pagtatatag ng TRA sa kanilang munisipalidad isang pinakahihintay na pangarap na sa wakas natupad din.

“Nagiging panaginip lamang dati ‘yong nasa plano ng ating tourism pero we are very much thankful to the secretary of the Department of Tourism na nagiging totoo ang matagal na naming inaasam-asam at hinihintay na TRA. Maraming, maraming salamat, Madam Secretary,” sabi ng mayor.

Nagpaabot din ng taos-pusong pasasalamat si Governor Arthur R. Defensor, Jr. sa mensaheng binasa ni Iloilo Provincial Tourism Officer Gilbert Marin.

Magtatampok din ang Tubungan TRA ng solar panels at rainwater harvesting system bilang bahagi ng sustainability efforts ng DOT.