Calendar
LTO pinalawig deadline sa pagbabawal sa improvised, temporary plates sa Dec. 31
PINALAWIG ng Land Transportation Office (LTO) ang deadline sa pagbabawal sa paggamit ng improvised at temporary plates para sa mga may-ari ng sasakyan hanggang Disyembre 31 imbes na sa Setyembre 1.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza, hindi dapat maging dahilan ang extension para sa mga may-ari ng sasakyan na mayroon ng mga plaka na hindi ikabit sa kanilang mga sasakyan.
“We ask the motorists to claim and install their respective license plates as soon as they are available either in the car dealerships and replacement plates in our offices,” ani Mendoza.
Nauna nang naglabas ng memorandum circular ang LTO laban sa paggamit ng improvised at temporary plates matapos lumabas sa imbestigasyon na hindi kinukuha ng mga rehistradong may-ari ng mga sasakyan, lalo na ang mga bagong binili, ang kanilang mga plaka sa mga dealers ng kanilang sasakyan.
Libu-libong mga plaka ang hindi pa nakukuha sa iba’t-ibang motor vehicle dealerships.
Sinabi ng mga dealers na hindi nakukuha ng kanilang mga kliyente ang mga plaka sa kabila ng paulit-ulit na abiso.
Ayon kay Assec Mendoza, ang pag-install ng mga plaka kontribusyon ng LTO sa mga hakbang sa pagpigil sa krimen, lalo na’t may ilang mga sasakyan na ginagamit sa mga kriminal na aktibidad.
“Wala na pong backlog sa mga four-wheel vehicles so there is no reason for these vehicle owners not to claim and install them in their vehicles,” ani Mendoza.
Binigyang-diin ni Mendoza na ang pagpapalawig ng deadline hindi nangangahulugan na babawasan ang kanilang pagsisikap na mabilis at epektibong maihatid ang mga hindi pa nakukuhang plaka sa mga tamang may-ari.
Inatasan na ng LTO chief ang mga regional directors at mga pinuno ng district offices ng LTO na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa maayos at mabilis na pamamahagi ng mga plaka.