Officer

Jail officer nanutok ng baril sa nagkakasiyahan timbog

Edd Reyes Sep 2, 2024
28 Views

KALABOSO ang jail officer noong Linggo nang pumasok sa compound na nagkakasiyahan ang mga tao at nanutok ng dala niyang kalibre 45 na baril sa Paranaque City.

Dakong alas-2:40 ng madaling araw nang pwersahang pumasok sa isang compound sa Brgy. Don Bosco ang Jail Officer na si alyas Ruben at pinatitigil ang kasiyahan habang bitbit ang kanyang kalibre .45 na baril.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, tinutukan ni alyas Ruben ang mga biktimang sina alyas Marcial, 38; alyas Marvin, 40; alyas Rustum, 34; alyas Allan, 29; at alyas Stephen, 40, na nagkakasiyahan matapos ang walang pahintulot na pagpasok sa compound.

Nang makatiyempo ang iba pang mga bisita, dinamba at pinagtulungan nilang agawin ang baril na dahilan upang hindi na naiputok ang bitbit na armas.

Nang magresponde ang mga tauhan ng Paranaque Police Sub-Station 6, ibinigay sa kanila ang naagaw na baril na may limang bala.

Nakapiit ngayon sa Paranaque Police Station ang jail officer habang inihahanda ang mga isasampang kasong Grave Threat, Trespass to Dwelling at paglabag sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Office of the City Prosecutor ng Parañaque City.