Cowboy Source: FB file photo

Binatang ala-cowboy sa pagyayabang ng boga, timbog

Edd Reyes Sep 3, 2024
23 Views

NAHULI ng mga pulis ang binata na idinisplay pa ang nakasukbit na baril habang naglalakad sa footbridge sa EDSA noong Martes sa Pasay City.

Natiyempuhan ng mga tauhan ni Pasay police chief P/Col. Samuel Pabonita ang suspek na si alyas Alberto, 34, na naglalakad na parang cowboy sa Cabrera footbridge sa EDSA, Brgy. 152 dakong alas-2:45 ng madaling araw habang naka-display ang puluhan ng baril sa kanyang bewang.

Ayon kay Col. Pabonita, sinita nina P/Capt Julius Ferrer, officer-in-charge ng Police Sub-Station 6 si Alberto at inatasang itaas ang suot na t-shirt.

Pero imbes na tumalima, kumaripas ng takbo ang suspek na dahilan upang habulin siya ng mga pulis hanggang ma-korner sa hindi kalayuang lugar.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na may apat na bala.

Nang hanapan ng kaukulang dokumento sa bitbit na baril, walang maipakita ang suspek kaya inaresto ng mga pulis.