Boga

2 kelot umepal sa pag-aresto ng suspek sa nakaw, kalaboso

Edd Reyes Sep 3, 2024
27 Views

DALAWANG kelot na nagsiga-sigaan at may baril at pen gun ang natiklo ng mga pulis matapos umepal habang nasa arrest mission ang mga awtoridad noong Lunes sa Las Piñas City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, pinasok ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Las Piñas City police ang isang residential compound sa Brgy. Almanza Uno dakong alas-9:20 ng gabi upang isilbi ang warrant of arrest laban kay alyas Marvin na nahaharap sa kasong robbery.

Doon umepal sina alyas Nel, 23, at alyas Intsik, 30, nang bumunot ng baril upang mapigil ang operasyon ng pulisya kaya nakaeskapo ang akusadong sisilbihan ng arrest warrant.

Nang makakuha ng tiyempo, dinamba ng mga pulis ang dalawa hanggang makumpiska kay Nel ang isang kalibre .38 revolver na may apat na bala habang nakuha kay Intsik ang pen gun na may bala ng kalibre .556.

Bukod sa kasong obstruction of justice, mahaharap din ang dalawa sa paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.