Calendar
Tumulong kay Guo sisibakin, kakasuhan!
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi lamang pagkasibak sa serbisyo ang kakaharapin ng mga opisyal ng gobyerno na tumulong sa pagtakas ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, kundi kakasuhan pa.
Pahayag ito ni Pangulong Marcos matapos maaresto si Guo sa Indonesia dahil sa pagkakadawit nito sa ilegal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO).
Sa ambush interview sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City, sinabi ni Pangulong Marcos na labag sa batas ang ginawa ng mga opisyal.
“All of those who are implicated in the — in assisting Alice Guo to leave the Philippines illegally as a fugitive from justice will certainly pay the price,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Not only will they… Ang tanong niyo sino ‘yung sisibakin. Hindi lang namin sila sisibakin, kakasuhan pa namin sila dahil ang kanilang ginawa ay labag sa batas at against all of the interests of the Philippine judicial system,” dagdag ng Pangulo.
Wala namang nakikitang rason si Pangulong Marcos na bigyan pa ng marching orders ang law enforcement agencies sa paghawak sa kaso ni Guo.
“Well, they don’t require marching orders. They are doing their — they’re implementing the legal orders that were sent to them by the court and that is to bring back the fugitive Alice Guo to the Philippines. So, that is what they are doing,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Sa ngayon, sinabi ni Pangulong Marcos na isinasapinal na ng Pilipinas ang pakikipagugnayan sa Indonesia para maibalik sa bansa si Guo.
“Let this serve as a warning to those who attempt to evade justice. Such is an exercise in futility. The arm of the law is long and it will reach you,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“This government continues in its duty to apply the rule of law. Ms. Guo shall be entitled to all legal protections due her under the laws of the land, and pursuant to our commitment to the rule of law. But we will not allow this to prolong the resolution of the case, whose outcome will be a victory for the Filipino people,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Nagpasalamat si Pangulong Marcos sa pamahalaan ng Indonesia at sa lahat ng law enforcement agencies sa matagumpay na pag-aresto kay Guo.
Naaresto ng mga ahente ng Indonesian National Police (INP) si Guo Martes ng gabi sa isang hotel sa Banten province, Indonesia, matapos makatanggap ng intelligence information mula sa Philippine National Police (PNP), ayon sa mga opisyal.
Ayon kay PNP spokesperson Colonel Jean S. Fajardo, ang dating alkalde, na inakusahan ng pagpapatakbo ng isang multi-bilyong POGO facility na ginawang “scam farm” sa Tarlac, ay naaresto bandang 11:30 p.m. (Indonesian Time) sa Cendana Park Residences sa Kadu Curu G. Tangerang, Banten province.
Si Guo ay agad na dinala sa Senayan area sa South Jakarta para sa karagdagang police protection ng Jakarta Interpol National Central Bureau.
“The arrest is the result of PNP’s active coordination with our Indonesian counterparts pursuant to a Memorandum of Understanding between the PNP and the Indonesian National Police in preventing and combating transnational crime and exchange of intelligence information signed way back in 2017,” ayon kay Fajardo.
Noong Miyerkules ng umaga, sina PNP chief General Rommel Francisco D. Marbil at PNP Intelligence Group (IG) Officer-in-Charge Brigadier Gen. Romeo J. Macapaz ay nagkaroon ng Zoom meeting kasama ang mga opisyal ng Indonesian police kung saan kanilang tinalakay ang paglilipat ng kustodiya ni Guo mula INP patungo sa PNP sa araw ding iyon.
Ipinahayag ni Fajardo ang pasasalamat ng pamunuan ng PNP sa kanilang mga kasamahan sa Indonesia para sa kooperasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ni Guo.
Dagdag pa ni Fajardo, ang PNP attaché ay nandoon na at personal na nakikipagugnayan sa kanilang mga kasamahan. Isang opsyon ay para samahan siya pauwi ng Manila, habang ang pangalawang opsyon ay para si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos at Marbil ay lumipad papuntang Indonesia upang siya’y ihatid pabalik sa bansa.
Katulad ng kaso nina Shiela Guo at Katherine Cassandra Li Ong na naaresto noong Agosto 20 sa Mega Mall Batam Center sa Riau, Indonesia, ang pagkakahuli kay Alice Guo ay resulta ng tuloy-tuloy na palitan ng impormasyon sa pagitan ng PNP-IG at ng kanilang mga kaalyado.
Patuloy namang hinahanap ng pulisya si Wesley Guo, isa pang akusado kasama ng tatlong nabanggit.
Ayon kay Fajardo, pinuri ni Marbil ang naging trabaho ng PNP-IG, lalo na sa intelligence information na ipinasa ng yunit sa pamamagitan ng PNP attaché sa kanilang mga Indonesian counterparts.
“We have to commend the efforts of the PNP-IG. No less than the commissioner of the Bureau of Immigration confirmed that it was the PNP-IG that provided them information regarding the arrest of Shiela Guo and Ong. This time, it’s also the PNP-IG which provided our Indon counterparts with regular information regarding Alice Guo which turned out to be positive since she was found in that hotel,” sabi ng PNP spokesperson.
Dagdag pa ni Fajardo, inutusan ni Marbil na imbestigahan nang malalim ang mga ulat na nagsasabing may isang hindi pinangalanang pulis na nagbigay ng “escort service” kay Guo at sa kanyang grupo, na nagbigay-daan para makatakas sila palabas ng bansa gamit ang likod ng Mindanao.
Ayon kay Fajardo, malinaw ang utos ng PNP chief: sinumang pulis na mapapatunayang tumulong sa pagtakas ni Guo at iba pa ay kakasuhan ng kriminal at administratibo.
“There are no sacred cows here. Papanagutin po kung sino man ang tumulong pero sa ngayon wala pa pong na-identify na involved sa pag-alis nila Guo,” aniya.
Noong nakaraang linggo, pinuri ng mga senador na pinamumunuan ni Rissa Hontiveros ang PNP-IG sa mahalagang papel na kanilang ginampanan sa pagkakaaresto nina Shiela Guo at Katherine Cassandra Li Ong sa Indonesia, na kapwa inakusahan ng pagkakasangkot sa operasyon ng isang malaking POGO facility na naging “scam farm” sa Bamban, Tarlac, na ni-raid ng mga awtoridad noong Marso 13.
Sinabi ni Senate Minority Floor Leader Aquilino Pimentel III na nalaman nila na ang Intelligence and Foreign Liaison Division ng PNP-IG ang unang nakatanggap ng impormasyon na sina Guo at Ong, kasama si Alice Guo, ay nagtangkang mag-book ng flight mula Singapore pabalik ng Pilipinas noong Agosto 14.
Ang PNP-IG naman ay agad na nakipagugnayan sa kanilang mga dayuhang counterpart para i-verify ang impormasyon, na nagpakitang ang grupo ni Alice Guo, matapos mabigong makabalik ng bansa mula Singapore, ay nagtungo sa Indonesia.
Kinumpirma ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na natanggap nila ang impormasyon mula sa PNP-IG noong hapon ng Agosto 15.
Nang marinig ito, hiniling ni Pimentel sa PNP na magbigay ng opisyal na ulat ukol dito na nagresulta sa pagkakaaresto nina Guo at Ong.
“Isang magandang halimbawa ito ng paggamit ng Intelligence Funds. Tutol ako sa paggamit ng IF pero pagdating ng budget season, puwede ninyong ipagmalaki ang isang halimbawa na ito, ang achievement na ito,” anang senador.
Pinuri rin ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang PNP-IG para sa mahusay na trabaho.
Bilang dating Chief of Staff, Deputy Director for Operations at kalaunan Deputy Director for Administration ng PNP-IG bago siya naging PNP chief noong 2016, sinabi ni Dela Rosa na ang PNP-IG na kilala sa kanilang motto na “Por La Patria” ay nararapat lamang na bigyan ng pagkilala sa kanilang mahusay na trabaho sa pagsubaybay sa grupo ni Guo.
“‘Yang motto nila na Por La Patria, o para sa bayan, kahit walang intelligence fund ay magtatrabaho ang mga taga-IG at naka-establish na sila sa mga foreign networks nila,” aniya.
Lumabas na ang mga miyembro ng Foreign Intelligence Liaison Division at Counter-Terror Division ng PNP-IG ang bumuo ng “intelligence packet” na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawa.
Matapos makuha ang impormasyon, nagsimulang makipagtulungan ang mga opisyal ng PNP-IG sa BI, Philippine Center for Transnational Crime at kanilang mga kaalyado mula Indonesia, Singapore at Malaysia upang suriin ang impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng dalawa hanggang sa maaresto ang dalawa sa Batam, habang nagtatangkang umalis papuntang Singapore.
Talagang nagbunga ang “pure intelligence operations.” Noong nakaraang dalawang Lunes, si Shiela Guo, ang kapatid ni Alice Guo, ay isinuko sa Senate Sergeant-at-Arms ng National Bureau of Investigation (NBI) na pinamumunuan ni Director Jimmy Santiago.
Si Ong naman ay isinuko ng NBI sa House of Representatives sa parehong araw. Nina CHONA YU & ALFRED DALIZON