Alice Guo

PBBM: Walang hiniling na palit ulo ang Indonesia

Chona Yu Sep 6, 2024
58 Views

NILINAW ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang hininging kapalit ang pamahalaan ng Indonesia nang ibigay sa Pilipinas ang kostudiya kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa ambush interview sa Antipolo City, sinabi ni Pangulong Marcos na walang swap of prisoner o walang palit ulo na hinihingi ang Indonesia.

Una nang iniulat na hinihingi ng Indonesia si Gregor Haas na isang Australian na wanted sa Indonesia at naaresto sa Cebu noong Mayo dahil sa kasong drug trafficking.

“Well, wala naman nag-swap. Walang swap. No, there is a — there was… Because lumabas sa isang article sa Indonesia na dapat mag-swap. Pero hindi official ‘yun,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“So, no but… Well, it was, you know, I can explain to — hindi naging simple ang pag pauwi ni Alice Guo dito sa Pilipinas. It wasn’t simple at all. We were negotiating very intricate, very sensitive, and very delicate details for the last — what, maybe 48 hours. Kinakausap natin mga kaibigan natin sa Indonesia,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Nagpapasalamat si Pangulong Marcos sa Magandang relasyon ng Pilipinas sa Indonesia kung kaya maayos na nakuha ang kostudiya kay Guo.

“Mabuti na lang marami tayong naging kaibigan na dahil sa pagpunta-punta ko pagka — pagpunta ko sa mga iba’t ibang bansa, Indonesia being one of them at maging malapit kami ni President Jokowi Widodo. Naging bahagi ‘yun kaya’t kahit na hindi ganon kasimple ang pag-transfer, napaki-usapan naman natin ang mga kaibigan natin sa Indonesia na bayaan na ang Pilipinas kunin na siya at iuwi siya dito sa Pilipinas,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Naaresto ng Indonesia si Guo. Si Guo ay nadadawit sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator sa bansa.