Monkey pox

Belmonte pinag-ingat taga-QC; 2nd, 3rd kaso ng mpox naitala sa lungsod

Joel Dela Torre Sep 7, 2024
79 Views

NAITALA ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang ikalawa at ikatlong kaso ng mpox, dahilan upang paalalahanan muli ni Mayor Joy Belmonte ang mga residente na mag-iingat palagi upang maiwasan ang nasabing sakit.

Ayon kay Belmonte, ibayong pag-iingat at pagpapahalaga sa kalusugan ang kailangan para mailayo ang sarili sa nakakahawang virus.

Ang dalawang pasyente na parehong lalaki at may edad na 29 at 36 taong gulang ay kasalukuyang nilalapatan ng kaukulang medikasyon habang naka-home quarantine.

“Hindi biro ang mpox. Malala ang epekto nito, lalo na sa mga taong mahina ang immune system, kaya napakahalaga na tayo mismo ay mag-ingat para hindi makakuha ng virus, at hindi tayo makahawa pa. Ugaliin pa rin ang paghuhugas ng kamay at lumayo sa mga taong nagpapakita ng sintomas ng mpox,” ani Belmonte.

Idinagdag pa ng alkalde na kung may sintomas ng mpox ay agad nang pumunta sa pinakamalapit na health center o ospital para magpatingin.

Ipinangako ni Belmonte na “hindi namin kayo papabayaan at handang tumulong ang lokal na pamahalaan para sa inyong mabilis na pagpapagaling.”

Ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD), ang 29-anyos na pasyente ay nagsimulang makaramdam ng sintomas ng mpox (mouth lesion) noong Agosto 21 at ini-report ito ng sumunod na araw.

Isinailalim ito sa eksaminasyon ng Agosto 28 at nakuha ang resulta ng Agosto 30. Siya ay nagpositibo na may mpox virus.

Samantala, ang ikatlong kaso, ang 36-anyos na lalaki, ay nakaranas ng mataas na lagnat noong Agosto 26 at pantal sa katawan ng Agosto 27.

Dinala ang kanyang ispesimen sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kung saan siya rin ay nagpositibo sa nasabing sakit ng Setyembre 5.

Ang unang kaso ng mpox ay naitala may dalawang linggo na ang nakakalipas. Siya ay 37-anyos.