Calendar
Erwan: Wala kaming dapat patunayan
Nagbigay na ng official statement ang mister ni Anne Curtis na si Erwan Heussaff sa isyung hiwalayan nilang mag-asawa na ilang araw na ring nagsi-circulate sa showbiz news at social media.
Sa Instagram ngayong araw ay nag-upload ang kapatid ni Solenn Heussaff ng dalawang larawan nila ni Anne na masayang kumakain sa isang restaurant sa Singapore kung saan sila kasalukuyang naroroon.
“Marked safe,” ang maikling caption ni Erwan na obviously, ang pinatutungkulan ay ang marriage nila ni Anne.
Sa comment section itinuloy ng Pinoy-French content creator at businessman ang kanyang statement tungkol sa issue.
Una niyang paliwanag, talagang bihira silang mag-post ni Anne tungkol sa isa’t isa online dahil wala naman silang dapat pang patunayan.
“Anne and I have never really posted much about each other online, it’s just how we are. We don’t feel the need to prove anything to anyone,” aniya.
Sabi pa ni Erwan, dapat ay matutuhan ng lahat na bawasan ang pagiging mapaniwalain sa mga nababasa online. Hindi raw porke’t maraming views ay totoo na ang impormasyon.
“But everyone has to work on being less gullible online, information can be weaponised. This wasn’t a big deal, but imagine its something that has real word repercussions.
Just because something has lots of views, doesn’t make it real,” sey ng mister ni Anne.
“Take a Facebook detox,” payo pa ni Erwan sa netizens.
Matatandaan na ilang araw nang usap-usapan na hiwalay na ang mag-asawa na tila nagsimula sa isang blind item.
Lumala pa ito nang punahin ng netizens na hindi na suot ni Erwan ang wedding ring nila.
Pinansin din ng mga Marites na hindi na nagpo-post ang dalawa ng larawan nilang magkasama.
Sinagot ni Erwan kamakailan ang puna ng netizen about the wedding ring at dito pa lang ay itinanggi na niya ang tsika.
“Lol, you shouldn’t believe news from random accounts on Facebook,” sagot ni Erwan.
Pero patuloy pa rin ang tsismis at pati ang kapatid ni Anne na si Jasmine Curtis ay nadadamay na kaya marahil minabuti na ni Erwan na i-address officially ang issue.