YG House Assistant Majority Leaders Jay Khonghun (Zambales, 1st District) at Paolo Ortega V (La Union, 1st District)

P5B SABLAY SA DEPED SAGUTIN

Mar Rodriguez Sep 8, 2024
60 Views

VP Sara hinimok:

DAPAT umanong sagutin ni Vice President Sara Duterte ang sablay na implementasyon ng P5.6 bilyong school feeding program sa panahon ng kanyang pamumuno sa Department of Education (DepEd).

Ayon kina House Assistant Majority Leaders Jay Khonghun (Zambales, 1st District) at Paolo Ortega V (La Union, 1st District), mga lider ng Young Guns ng Kamara de Representantes, dapat sagutin ni Duterte ang ulat ng Commission on Audit (COA) dahil hindi pamumulitika ang isyu kundi ang pagkakaroon ng pananagutan sa paggastos sa pondo ng bayan.

Sinabi ng mga mambabatas na dapat ding tigilan na ni VP Duterte ang paggawa ng mga alegasyon gaya ng “Makabayan-Marcos-Romualdez” alliance upang matakpan ang mga isyu na dapat nitong sagutin.

Ayon sa ulat na inilabas ng COA, sa implementasyon ng DepEd feeding program noong 2023 ay mayroong mga inaamag at pinamamahayan ng insekto na mga nutribun at mga panis na gatas na ipinamigay sa 10 rehiyon ng bansa.

“Imbes na magturo ng iba, mas mainam na harapin ni Vice President Duterte ang katotohanan. Nasa P5.6 bilyong halaga ng pagkain ang nasayang at hindi napakinabangan ng mga bata. Bilang lider ng DepEd noon, dapat siniguro niyang tama ang magiging implementasyon ng proyekto. Malinaw na command responsibility ito. Hindi ito usapin ng pulitika, kundi ng wastong paggamit ng pondo ng bayan,” sabi ni Khonghun.

Ipinunto naman ni Ortega ang kahalagahan ng mga proyekto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., katuwang si Speaker Ferdinand Martin Romualdez, upang matulungan ang mga mahihirap na Pilipino.

Tinukoy ni Ortega ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) kung saan direktang iniaabot ng gobyerno sa mga mahihirap na pamilya ang tulong.

Sa pinakahuling BPSF na ginanap sa Davao City, P1.2 bilyong halaga ng cash assistance at government service ang ibinigay sa 250,000 benepisyaryo. Ito ang ika-23 yugto ng BPSF na sinimulan noong nakaraang taon.

“These are the types of programs making a real difference. Under the leadership of President Ferdinand Marcos Jr. and with the strong support of Speaker Romualdez, the administration is bringing tangible relief to struggling families. This is also reflected in the recent drop in inflation,” sabi ni Ortega.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, naitala ang inflation rate ng bansa sa 3.3 porsiyento noong Agosto, mas mababa kumpara sa 4.4 porsiyento na naitala noong Hulyo, at dulot ito ng pagbagal ng pagtaas ng presyo ng pagkain at gastos sa transportasyon.

Sa unang walong buwan ng 2024, ang inflation rate ay nasa 3.6 porsiyento, mas mababa sa 5.3 porsiyento na naitala sa kaparehong panahon noong 2023. Pasok ito sa target ng gobyerno na 2 hanggang 4 porsiyento.

“Patuloy ang administrasyon, kasama si Speaker Romualdez, sa pagtulong sa mga mahihirap at pagpapagaan ng buhay ng ating mga kababayan. Pero kailangan ding sagutin ni VP Sara ang mga pagkukulang noong siya ang namuno sa DepEd. Ang mga nasayang na pondo ay malaking kawalan para sa mga batang dapat ay nakinabang,” punto ni Ortega.

Sinabi ni Khongun na ang pagsagot sa mga puna ng COA ay hindi pamumulitika kundi ginagawa upang maging transparent ang paggastos ng pera ng taumbayan at ang pagkakaroon ng pananagutan sa paggasta.

Habang patuloy na tinutugunan umano ng administrasyon ang mga problema ng bansa, sinabi ni Khonghun na dapat tinutugunan ni VP Duterte ang ginawa nitong paggastos sa pondo ng taumbayan at ang pagkabigo ng liderato nito na matulungan ang mga estudyante na mabigyan ng angkop na nutrisyon.

“Hindi ito usapin ng pulitika, kundi ng transparency at accountability. Karapatan ng publiko na malaman kung ano ang nangyari sa bilyun-bilyong pisong pondo na dapat sana ay napakinabangan sa mga batang nangangailangan,” dagdag pa ni Khonghun.