Calendar
Tansingco sinibak ni PBMM dahil natakasan ni Alice Guo
SINIBAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Immigration chief Norman Tansingco.
Ito ay matapos matakasan si Tansingco ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at makalabas ng bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez, tanggal na sa puwesto si Tansingco.
Una nang sinabi ni Pangulong Marcos na gugulong ang ulo ng mga opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa pagtakas ni Guo.
Sangkot si Guo sa ilegal na operasyon ng Philippine offshore gaming operator (POGO).
Nahaharap si Guo sa kasong human trafficking at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Samantala, humarap na si Guo sa pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros.
Ang dismissed Bamban mayor ay muling na-cite in contempt ng Senado dahil sa umano’y patuloy na pagsisinungaling sa pagdinig ng komite nitong Setyembre 9.
Ayon sa ilang senador, maliwanag na si Guo ay sangkot sa iba’t ibang uri ng kriminalidad gamit ang POGO na siyang instrumento at tuntungan sa pagpasok ng ilang Tsino sa Pilipinas na gumagamit ng sindikato upang makakuha ng late registration na birth certificate.
Ito rin ang ginagamit para magkaroon ng citizenship o pagkakakilanlan bilang mga Pilipino sa pamamagitan ng pekeng late registration schemes para palawakin ang mga POGO hub para sa mga kriminal na aktibidad.
Nangamba si Deputy Majority Leader Joseph Victor “JV” Ejercito tungkol sa posibilidad ng isang internasyonal na sindikato na sumusuporta kay Guo, na nagpapahiwatig ng mas malalim na pagsasabwatan na kinasasangkutan ng ilan sa mga indibidwal na Tsino na pumapasok sa bansa.
“Maaaring may mas malaking banta mula sa China. Ilan pang katulad ni Guo ang ginagamit para makapasok sa ating bansa?” tanong ni Ejercito.
Sinang-ayunan ni Senador Raffy Tulfo ang mga pahayag na ito, kung saan ay isiniwalat niya na mahigit 1,200 mamamayang Tsino sa Davao del Sur ang nakumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na ilegal na nakakuha ng late registration birth certificates.
“Kailangan nating hubarin ang maskara ng mga nasa likod ng sindikatong ito,” sabi ni Tulfo, na binigyang-diin ang banta ng pagdagsa ng mga banyagang mamamayan (na Tsino) at ang tila pagkakahawak ng sindikato sa bansa gamit ang POGO bilang “entry point” sa kanilang pagpapaikot.
Sa kabila ng kanyang presensya sa pagdinig, paulit-ulit na tinanggihan ni Guo na pangalanan ang mga tumulong sa kanya at sa kanyang mga kapatid na makaiwas sa pagaresto noong Hulyo, matapos ang pag-isyu ng mga warrant dahil sa kanilang hindi pagdalo sa imbestigasyon ng Senado, tungkol sa mga krimen na may kinalaman sa mga POGO.
Ikinuwento ni Guo ang detalye ng kanilang pagtakas, magmula sa kanilang pagsakay sa isang yate na ayaw niyang pangalanan ang may-ari, paglipat sa isang malaking barko kung saan sila pinapasok sa isang kwarto sa loob ng apat na araw.
“Hindi ko alam kung sino ang may-ari ng yate o ng barko. Kinuha nila ang lahat ng aming mga telepono,” sabi ni Guo, na iginiit na walang mga Pilipino ang kasangkot sa kanyang pagtakas, na pinangunahan ng isang Asyanang babae na siyang nagkumpiska sa kanilang mga cellphone.
Sa kabila ng kanyang mga rebelasyon na diumano’y nakatatanggap siya ng banta sa kanyang buhay ay tumanggi si Guo na pangalanan ang sinuman na tumulong sa kanyang pagtakas, na nagdulot ng pagdududa mula sa ilang senador.
Tinuligsa ni Hontiveros si Guo sa kanyang pag-iwas sa mga tanong at ang umano’y manipulasyon nito at mga kasinungalingan sa kanyang testimonya.
Iginiit ni Hontiveros na sakaling totoong may banta ito sa kaniyang buhay at kung siya ay nanganganib ay dapat sana aniyang humingi siya ng tulong at proteksyon mula sa pulisya imbes na tumakas siya kasama sina Sheila at Wesley Guo.
Bagamat una ng sinabi ni Hontiveros na nagpakawala ng P200 milyon si Guo upang makatakas sila ng kanyang mga kapatid ay itinanggi naman ito ng dating mayora ng Bamban at nagsabing wala siyang binayad kahit anuman at kahit magkanong halaga.
Nabanggit din ang isang kaibigang Tsino na may limang pasaporte na inamin din ni Guo na nasa likod ng pagtulong sa kanya at ngayon ay isa sa mga taong nagbabanta rin sa kaniyang buhay na hindi niya pinangalanan.
Binigyang-diin ni Hontiveros ang koneksyon ni Guo sa mga indibidwal na kasangkot sa industriya ng POGO at mga kahina-hinalang transaksyong pinansyal.
Ipinakita niya ang ebidensya ng isang pinagsamang bank account na ibinahagi ni Guo at isang dating kasosyo sa negosyo, si John Samson, na isa rin sa pinahaharap ng Senado sa susunod na pagdinig.
Sa pagsusuri ni Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Estrada, pinakita nito ang mga larawang nagpapahayag ng malapit na relasyon sa pagitan ni Guo at Sual, Pangasinan Mayor Dong Caluag.
Itinanggi ni Guo ang mga paratang ni Estrada at nanindigan na sadyang malapit lang aniya silang magkaibigan.
Sa pagdinig, umamin si dating Bamban, Tarlac Mayor Jose Antonio Feliciano, na siyang sinundan ni Guo sa pagka-mayor, na kanyang hinikayat si Guo na pumasok sa pulitika.
Kinikilala niya ang kanilang matagal nang relasyon sa negosyo ngunit itinanggi na tumanggap ng anumang pinansyal na suporta mula sa kanya sa panahon ng kanyang kampanya sa pulitika.
Tinanong ni Senador Sherwin Gatchalian ang posibilidad ng pagtakas ni Guo sa pamamagitan ng barko, na binigyang-diin na ang kanyang mataas na profile ay tiyak na makakakuha ng pansin.
Ipinahayag niya na ang mga fingerprint ni Guo ay nakumpirma ng National Bureau of Investigation, na nagpatibay sa kanyang dalawang pagkakakilanlan bilang Alice Guo at Guo Hua Ping. Ipinahayag niya na si Guo ay malapit na kasangkot sa operasyon ng POGO at dapat panagutin.
Samantala, inirekomenda ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na manatili si Guo sa kustodiya ng Senado, na sinang-ayunan ni Hontiveros dahil mahalaga ito sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.
“Si Guo ay nasa sentro ng mga ilegal na aktibidad na ito, at alam niya ang lahat tungkol sa POGO at ang mga kriminal na negosyo sa likod nito. Sigurado akong marami siyang itinatagong impormasyon,” sabi ni Hontiveros, na nagpapahiwatig ng determinasyon ng Senado na tuklasin ang buong lawak ng operasyon ng sindikato sa Pilipinas.
Si Guo ay nirekomenda na ma-cite for contempt dahil sa patuloy nitong paglalahad ng alibi upang magkaroon ng dahilan para hindi sagutin nito ang maraming katanungan ng iba’t ibang senador. Nina CHONA YU & PS JUN M. SARMIENTO Kasama si JOSEPH MUEGO