Calendar
Malaysian nat’l nailigtas sa 3 Chinese kidnappers
NASAGIP ng mga pulis mula sa tatlong Chinese nationals ang 42-anyos na Malaysian national na dinukot, pinahirapan at hiningan ng ransom noong Lunes sa Paranaque City.
Halatang dumanas ng pahirap ang biktimang si alyas Thing nang masagip ng mga miyembro ng Detective Unit at Special Weapon and Tactics Team (SWAT) ng Paranaque police.
Kasabay ng pagkaka-rescue ang pagkakadakip sa mga umano’y abductors na sina alyas Xue, 34; Guanghong, 27; at Yefu, 24, sa entrapment dakong alas-5:30 ng umaga sa Macapagal Blvd., Brgy. Tambo, Paranaque.
Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., nagsumbong sa pulisya ang kababayan ng biktima na si alyas Boon, 25, noong Linggo tungkol sa pagdukot at paghingi ng ransom ng mga suspek kay Thing.
Nagpadala pa ng litrato na nagpapakita ng ginagawa nilang pagpapahirap sa biktima ang mga abductors, ayon sa nag-report.
Ayon kay Boon, nakapagbigay na siya ng $85,000 na hinihingi ng mga suspek.
Pero sa halip na pakawalan, muling nanghingi ng P50,000 ang mga abductors kaya nagsumbong na siya sa mga pulis.
Nakumpiska ng mga pulis sa mga nadakip ang tatlong kalibre .45 baril, anim na magazine, 38 bala ng kalibre .45, isang itak, patalim, dalawang bungkos ng markadong boodle money na ginamit sa entrapment, apat na cellular phones at silver na Mitsubishi Adventure.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong kidnapping, paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Batas Pambansa Blg. 6 (Illegal Possession of Bladed Weapons) sa Paranaque Prosecutor’s Office.