Sara VP Sara Duterte

VP Sara mambubudol — House appropriations committee chairman

73 Views
Co
Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co

INAKUSAHAN ng tagapangulo ng House of Representatives committee on appropriations si Vice President Sara Duterte na mambubudol kaugnay ng alegasyon nito na siya at si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang may kontrol ng pambansang pondo.

“Again pangbubudol na naman po ‘yan. Napakalaking pambubudol, akala nila ang taong bayan hindi matalino, matalino po,” tugon ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co nang mahingan ng reaksyon sa paratang ni VP Duterte.

Ani Co, nasa higit 300 miyembro ng Kamara at 24 na senador ang nagdedesisyon sa taunang pondo ng bayan.

“Unang-una po ang miyembro po ng Appropriations is around 139, ang vice-chair po is around 56, ang congressman po is 300. Mayroon po tayong mga Senador na 24,” sabi pa niya.

Mayroon din aniyang bicameral conference committee na binubuo ng miyembro ng Kamara at mga senador na paplantsa sa magkaibang bersyon ng panukalang pambansang pondo na inaprubahan ng Kamara at Senado.

“Mayroon pong miyembro ng bicameral conference committee after the budget deliberation ng House and Senate…almost 30 po ang nag-aattend diyan in public,” dagdag niya.

“So, hindi po totoo iyan. Kung nagagawa niya po iyan sa Davao, sa confidential fund na lustayin in 11 days…kayang-kaya niya din po ‘yang gawin kapag siya po ang nakaupo at ang kanyang mga pananakot sa aming mga Kongresista, hindi na po ito dapat palagpasin,” giit ni Co.

Hindi dinaluhan ni Vice President Duterte ang ikalawang pagdinig ng Appropriations committee sa panukalang badyet ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025 na nagkakahalaga ng P2.037 bilyon.

Sa halip nagpadala si Duterte ng liham kay Speaker Romualdez at Co kung saan kanyang sinabi na naisumite na ng kanyang tanggapan ang lahat ng dokumentong kailangan para suportahan ang kanyang panukalang badyet.

Nang matanong sa umano’y korapsyon ng bise presidente, tugon ni Co, “Well, ano po ‘yan common knowledge na po iyan, matagal na po. Kahit sa Davao tahimik lang dahil secret martial law po sa Davao, alam po natin ‘yan.”

Suportado naman aniya ito ng mga ulat at pagsusuri ng Commission on Audit (COA).

“So ‘yung mga sinasabi po natin, lumabas na po sa COA. Ilang beses po iyang audit observation memo (AOM), notice of disallowance. Bago ka po dumating sa notice of disallowance sa AOM pa lang po nakita na po natin iyan,” sabi niya.

Hiniling ng Kamara ang audit report dahil na rin sa humihingi ng mas mataas na pondo ang bise presidente.

“Sinubukan po natin iyan (and) last year pang tignan pero hindi po iyan nakikita noong 2022. Malaki na po, hindi pa po nagkakaganito ang sitwasyon hinihingi na po iyan ng Kongreso dahil masyado na pong sobrang laki ang confidential fund na hinihingi niya. Not only that at other services po,” pagbabahagi pa niya.