Madrona

Tatlong panukala na magpapa-unlad sa turismo ng Romblon, inaasam ni Madrona na maisabatas

Mar Rodriguez Sep 12, 2024
79 Views

Madrona1𝗜𝗡𝗔𝗔𝗦𝗔𝗠-𝗔𝗦𝗔𝗠 𝗻𝗶 𝗥𝗼𝗺𝗯𝗹𝗼𝗻 𝗟𝗼𝗻𝗲 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗥𝗲𝗽. 𝗘𝗹𝗲𝗮𝗻𝗱𝗿𝗼 𝗝𝗲𝘀𝘂𝘀 “𝗕𝘂𝗱𝗼𝘆” 𝗙. 𝗠𝗮𝗱𝗿𝗼𝗻𝗮 𝗯𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗶𝘀𝗮𝗻𝗴 “𝗥𝗼𝗺𝗯𝗹𝗼𝗺𝗮𝗻𝗼𝗻” 𝗮𝘁 c𝗵𝗮𝗶𝗿𝗽𝗲𝗿𝘀𝗼𝗻 𝗻𝗴 𝗛𝗼𝘂𝘀𝗲 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 𝗼𝗻 𝗧𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝗺 𝗮𝘆 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝘀𝗮𝘀𝗮𝗯𝗮𝘁𝗮𝘀 𝗻𝗴 𝗶𝗻𝗮𝗸𝗱𝗮 𝗻𝗶𝘁𝗼𝗻𝗴 𝘁𝗮𝘁𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝘂𝗸𝗮𝗹𝗮 𝗻𝗮 𝗻𝗮𝗴𝘀𝘂𝘀𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗻𝗴 𝘁𝗶𝗻𝗮𝘁𝗮𝘄𝗮𝗴 𝗻𝗮 “𝘀𝘂𝘀𝘁𝗮𝗶𝗻𝗮𝗯𝗹𝗲 𝘁𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝗺” 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻 𝗸𝗮𝘀𝘂𝗻𝗼𝗱 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗽𝗮𝗽𝗮𝘂𝗻𝗹𝗮𝗱 𝗱𝗶𝘁𝗼.

Ipinaliwanag ni Madrona na pinapangarap ng bawat Romblomanon na tulad niya ay ang tuluyang maisabatas ang tatlong panukala na inihain nito sa Kamara na naglalayong mapaunlad at maisulong ang isang “sustainable tourism” na mangangahulugan ng paglago ng ekonomiya ng kanilang lalawigan.

Sabi ni Madrona na kabilang sa tatlong panukala na kaniyang inakda ay ang House Bill No. 5282 na nagde-deklara sa Munisipalidad ng San Jose na kilala din bilang Isla De Carabao bilang tourist destination.

Ayon sa kongresista, ang Isla de Carabao o Carabao Island ang itinuturing nilang susunod na “Boracay” na inaasahang dadagsain o dadayuhin din ng napakaraming turista dahil sa kaakit-akit at natatanging kagandahan nito kagaya ng matutunghayan sa sikat na Boracay Island.

Bukod dito, optimistiko din si Madrona na mapapasama ang House Bill No. 10116 na nagdedeklara sa Munisipalidad ng San Fernando bilang isang tourism development area gayundin ang House Bill No. 6467 upang maideklara bilang ecotourism destination ang Munisipalidad ng Looc.

Dagdag pa ni Madrona na ang tatlong naturang panukalang batas ay kasama sa mga nakahanay na panukala na tinalakay nila kamakailan sa isinagawang public hearing sa Senado na pinangunahan ng Senate Committee on Tourism Subcommittee na pinangasiwaan ni Senator Mark A. Villar.

Layunin aniya ng public hearing na talakayin ang mga panukala na naglalayong mas lalo pang palakasin at paunlarin ang Philippine tourism na itinuturing na “economic driver” ng bansa dahil sa napakalaking potensiyal na maibibigay nito sa larangan ng ekonomiya.