Louis Biraogo

Masamang ugali ng kakampinks, pahamak sa kampanya ni Robredo

400 Views

NAILATHALA sa isang pahayagan na kilalang maka-Robredo ang panawagan ng mga anak na babae ni Bise-Presidente Leni Robredo (Leni), kandidata sa pagka Pangulo sa darating na halalan, na tigilan ang pangbababoy at panglalait sa mga mahihirap o masa, ang hanay na panggagalingan ng pinakamaraming boto sa darating na halalan.

Madalas nilalait na bobo o bayaran ng mga kakampinks ang masa. Kakampinks ang tawag sa mga tapat na tagasunod ni Leni. At, dahil sa panglalait na ginagawa ng mga kakampinks sa mga hindi nila kauri, walang nabibighani sa hanay ng masa na sumapi sa kampo ni Leni. Naramdaman din ng masa na hindi sila katanggap-tanggap sa kampo kung saan sila’y hinuhusgahan.

Sa kabilang dako, ang panawagan ng kampo ni Bong Bong Marcos (BBM), na katunggali ni Leni, ay ang pagkakaisa. Dahil sa gayong panawagang pagkakaisa, ang masa ay nakakaramdam ng pagmamahal at pagtatanggap. Sa ganitong panawagan, nakikita ng masa na ang lahat, hindi lamang ang mayaman, kundi pati silang mga mahihirap, ay malugod na kasapi sa kaunlaran na hinahangad ni BBM kapag siya ang mahalal na Pangulo ng bansa.

Pinaalalahanan ng mga anak ni Leni na kahit nakakaranas ng makapal na pagdalo ang ginagawang pagtipon-tipong pampulitika (political rallies) ang kampo nila, hindi ito sapat upang maipanalo ang pambato sa pagkapangulo sa darating na halalan. Kinakailangang hatakin ang masa upang magkaroon ng sapat na kinakailangang bilang na boto. Ngunit, dagdag pa ng mga anak ni Leni, hindi ito mangyayari kung patuloy ang pangbababoy, panglalait at pang-iinsulto ng mga kakampinks sa masa.

Kaya nakikita natin na sa harap ng napakalaking salapi ang binubuhos ng kampo ni Leni sa pangangampanya, hanggang 15%, humigit o kumulang, ang nakukuha nito sa mga ginagawang pananaliksik sa pulso ng mga botante (voters’ preference survey) ng mga pangunahing dalubhasa sa ganitong pag-aaral.

Marami na rin ang nakapansin na ang pangbababoy, panglalait at pang-iinsulto sa masa ang pangunahing dahilan kung bakit napako sa baba si Robredo sa mga ginagawang pananaliksik o survey.

Hindi nakakapagtataka ang ganitong pagmamasid dahil nagbukas ang kampanya ng kampo ni Leni sa isang kampanyang paninira (negative campaigning). Sa ginawang kampanyang paninira ng kampo ni Leni, tinawag si BBM na duwag, bobo, anak ng diktador, magnanakaw, walang napatunayan, at iba pa. Ngunit, ang kampanyang ito ay yumabong sa di-inaasahang labanan ng mga mahihirap at mga mayayaman (class war).

Sa nabuong class war, ang masa ay napiling sumapi sa hanay ni BBM, na katulad din nila, ay binababoy, nilalait at iniinsulto ng mga katunggali nito. Sa kamay ng mga kakampinks, nakakaranas ng napakababa at nakakasuklam na pagtrato ang masa. Kadalasan, nakakarinig ang masa ng masasakit na pananalita, kasama na dito ang pagtawag ng “hampas-lupa” sa kanila galing sa mga kakampinks.

Lalong tumibay ang pakiki-isa ng masa kay BBM nang pinili nitong hindi patulan ang paninirang binabato sa kanya ng mga katunggali. Tulad din ni BBM, hindi pinapatulan ng masa, o hindi nila makayanang patulan, ang paninirang natatanggap nila sa mga kakampinks dahil nabuo sa kanilang pag-iisip na sadyang mapang-husga ang mga kakampi ni Leni.

Sang-ayon ako sa panawagan ng mga anak ni Bise-Presidente Leni Robredo. Huwag nating laitin ang masa, o sino man. Tandaan natin na ang napili nating pamamaraan sa pamamahala ay ang demokrasya. Sa isang demokrasya, ang bawat isa na kwalipikado sa atin, mahirap man o mayaman, ay binibigyan ng karapatang bomoto ng ating mga mamumuno.

Ang hindi ko nakikita ay ang lumipat pa ng hanay ang masa, galing sa hanay ni BBM papunta sa hanay ni Leni. Masyado ng malalim ang naging sugat upang maghilom pa ito sa ikli ng panahong nalalabi.

Panalo man o talo sa halalan, itigil na ninyo, mga kakampinks, ang ugali na nagpapahamak sa inyong kampanya. At kahit wala nang kinakampanya dahil tapos na ang halalan at nakapagpasya na ang taumbayan kung sino ang gusto nilang mamumuno, sikaping kaaya-aya ang pakikitungo sa kapwa