BBM2

Administrasyon ni PBBM tumaas net satisfaction rating nitong Hunyo

Chona Yu Sep 14, 2024
68 Views

TUMAAS ang net satisfaction rating ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong buwan ng Hunyo.

Ayon sa Social Weather Stations (SWS), nasa “good” +40 ang net satisfaction rating noong Hunyo na mas mataas kumpara sa “moderate” +29 na naitala noong Marso.

Isinagawa ang survey noong Hunyo 23 hanggang Hulyo 1.

Sa naturang survey, 62 porsiyento sa adult Filipinos ang kuntento sa trabaho ng administrasyon, 22 porsiyento ang hindi kuntento at 15 porsiyento ang neutral.

Nabatid na ang net satisfaction rating noong Hunyo 2024 ay mas mataas ng 11 puntos kumpara sa Marso 2024 rating.

Pinakamalaking nakuhang puntos ng administrasyon, kung saan nakakuha ito ng “very good” rating, ay dahil sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad na may +64, pagpapabuti sa edukasyon ng kabataan na may +62, at pagtulong sa mga mahihirap na may +51.

Nakakuha rin ng mga “good” rating ang administrasyon sa programang pabahay para sa mahihirap (+47), pagpapaunlad sa siyensiya at teknolohiya (+46), mga polisiya sa job opportunities (+45), epektibong public transportation system (+38) at food security (+35).