Gadon

‘Pres. BBM, VP Sara’ na – Gadon

1628 Views

TIYAK na ang pagkapanalo ng tambalang Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Inday Sara Duterte ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) sa May 9 national elections dahil sa patuloy na pagbuhos ng suporta sa BBM-Sara UniTeam mula naman sa mga pinakamalalaking political party sa bansa.

Ayon kay UniTeam senatorial bet Atty. Larry Gadon, asahan na lalo pang tataas ang ratings ng BBM-Sara ngayong buwan ng Marso at Abril.

“Eh kung noong wala pa ang suporta ng PDP-Laban at National Unity Party (NUP) ay nasa 50 percent hanggang 60 percent sina BBM-Sara, lalo pa ngayon na malalaking partido ang dumagdag sa suporta ni Senator Bongbong Marcos. Baka sa kangkungan na pulutin ang mga kalaban, lalo na ang pinklawan na iyan,” ani Gadon.

Kung matatandaan, magkasunod na nagpahayag ng suporta ang pamunuan ng PDP- Laban Party at NUP sa kandidatura nina BBM-Sara.

Bukod dito, ang Reform Party na pinamumunuan naman ng dating Reform the Armed Forces Movement (RAM) ni ex-Senator at ex-Department of Information and Communications Technology Sec. Gregorio Honasan at mga dati pang rebel soldiers ang nagbigay din ng suporta sa UniTeam.

Magkakasunod halos silang nagbigay ng suporta kasama na rin ang mga retired generals at retired military at police officials sa Marikina City.

Sa kanilang pagsuporta sa UniTeam, sinabi ni NUP head Rep. Elpidio Barzaga ng 4th District ng Cavite na ang panawagang pagkakaisa ni Marcos ang siya ring pangunahing adhikain ng kanilang partido.

Sinabi naman ni Energy Sec. Alfonso Cusi, tagapangulo ng ruling PDP-Laban, na ang suporta nila sa tambalang BBM-Sara ay nilagdaan mismo ng national executive committee members ng kanilang partido.

Ang anunsyo ay nangyari matapos kumpirmahin ng Malacañang ang naganap na pulong sa pagitan nina Marcos at Presidente Duterte kamakailan.

Bukod sa mga nabanggit na partido, ang UniTeam ay nauna nang inendorso ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL), Hugpong ng Pagbabago (HNP) at Pwersa ng Masang Pilipino (PMP).

Kamakailan din ay tatlong malalaking labor group na kinabibilangan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Labor Party of the Philippines (LPP) at Partido Lakas ng Manggagawang Pilipino (PLMP) ang pormal ding nagpahayag ng suporta sa UniTeam.

Maliban pa sa kanila, karamihan din sa mga gobernador, mayor at iba pang mga opisyal sa iba’t ibang probinsya ang nagpahayag na rin ng suporta sa UniTeam.

Ipinaliwanag ni Gadon na ang survey ay mula mismo sa pulso ng mamamayang Pilipino.

Sobrang mahalaga naman aniya ang suporta ng iba’t ibang partido at mga samahan dahil may sari-sarili silang lider sa “grassroots” na mangunguna sa kampanya at magbabantay mismo ng balota.

“Paano mo pa tatalunin ngayon ang UniTeam? Expect na natin na tataas pang lalo sa survey sina Bongbong at Sara at lalong asahan na natin ang ating pagkapanalo. ‘Wag lang tayong ma-Smartmagic uli,” wika pa ni Gadon.

Samantala, muling hinamon ng YouTube sensation na abogado ang lahat ng partido ng isang “caravan challenge,” upang malaman ng taumbayan kung sino talaga ang may photoshop at hakot sa mga political rally.

“Madaling maghakot papunta sa rally, pero mahirap magpalabas ng tao para pagkaguluhan si BBM sa motorcade dahil organic iyon at sincere ang tao sa pagsalubong kay Marcos. Kaya game na, caravan challenge na!” sabi pa ni Gadon.