Roque Ex-presidential spokesperson Harry Roque

Pahayag ni Roque na di susuko nagbibigay bahid na di siya inosente

75 Views

KINONDENA ng dalawang pinuno ng Kamara de Representantes si dating presidential spokesperson Harry Roque na tumangging sumuko sa quad committee na nag-iimbestiga sa koneksyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO), ilegal na droga at extrajudicial killings (EJKs).

Ayon kina Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, mga pinuno ng quad comm, ang pahayag ni Roque na hindi siya susuko o makikilahok sa imbestigasyon ay isang pahiwatig na may kasalanan ito.

Binatikos rin nina Fernandez at Barbers si Roque dahil sa hindi nito pagtupad sa kanyang pangako na isusumite ang mga dokumento na may kaugnayan sa kanyang yaman.

Una na ring pinuri nina Fernandez at Barbers ang Philippine National Police (PNP) sa pakikibahagi sa pinaigting na paghahanap kay Roque, na idineklarang pugante matapos na lumabag sa contempt order ng Kamara de Representantes.

Naniniwala ang dalawang lider ng Kamara na ang pagtanggi ni Roque na makipagtulungan sa imbestigasyon ng Kamara ay nagbibigay bahid sa kanyang sinasabi na siya ay inosente.

“Flight is often an indication of guilt,” ayon kay Fernandez, na siya ring chairman ng House committee on public order and safety.

“If Mr. Roque had nothing to hide, he would face the committee and submit the necessary documents. His refusal to comply only raises suspicions among lawmakers,” dagdag pa nito.

Si Roque, na isa ring abogado, ay pinadalhan ng subpoena ng quad committee upang magsumite ng mga dokumento, kabilang na ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), kaugnay ng mga alegasyon ng kanyang koneksyon sa ilegal na operasyon ng POGO.

Kabilang sa iniimbestigahan ng komite ang pakikipagsabwatan ng ilang dating mga opisyal ng gobyerno sa pagtulong at kumita mula sa ilegal na operasyon.

“The House of Representatives is not acting arbitrarily. We are simply seeking the truth. Mr. Roque is responsible for clearing his name if he believes these allegations are baseless. Dodging the inquiry only raises more questions,” ayon kay Fernandez.

Sinang-ayunan din ni Barbers, chair ng House committee on dangerous drugs at head ng quad comm, ang pahayag ni Fernandez na ang pag-iwas ni Roque ay nagdudulot ng higit pang pagdududa.

“If he truly believes in transparency and accountability, he should willingly face the Quad Committee and clear his name. Refusing to submit subpoenaed documents and avoiding the committee’s summons only deepens the shadow of doubt hanging over him,” dagdag pa nito.

Para kay Fernandez, ang ganitong pag-uugali ay nagpapakita ng bigat ng mga alegasyon laban kay Roque.

“There’s an old saying – if you have nothing to hide, you hide nothing,” giit pa ni Fernandez.

“His actions are telling. If he had no involvement with illegal POGO activities, he should have nothing to fear from cooperating with the committee,” saad pa nito.

Iginiit naman ni Barbers ang kahalagahan ng pagsunod sa batas, lalo na para sa mga public figure at mga nasa posisyon ng kapangyarihan upang mapanatili ang tiwala ng publiko.

“Roque should set an example, not avoid accountability. If he continues to resist, it will only reinforce the public’s perception that he is guilty of the allegations,” ayon kay Barbers.

Iginiit din niya na ang pag-iwas sa mga legal na proseso ay nakakasama hindi lamang sa kredibilidad ni Roque kundi maging sa integridad ng justice system.

“We are all subject to the rule of law. No one is above it, and no one can hide from it. Those who evade accountability are not serving the interests of justice, but their self-interest,” paliwanag ni Barbers.

Kapwa tiniyak ng mga mambabatas ang kanilang determinasyon na ipagpatuloy ang imbestigasyon ng quad committee, na nagsasaad na anumang pagtatangkang hadlangan ang proseso ay haharapin ng matinding aksyon.

Muling hinimok ng mga kongresista si Roque na makipagtulungan sa imbestigasyon at igalang ang kapangyarihan ng Kamara.

“At the end of the day, the truth will come out. The Quad Comm’s investigation will proceed with or without Mr. Roque’s cooperation,” ayon pa kay Fernandez. “We urge him to do the right thing and face the committee – running from this will only damage his reputation further.”

Nauna ng naghain ng mosyon si Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores na i-contempt at ikulong si Roque, alinsunod sa Section 11(d) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation, na tumatalakay sa pagtanggi na sumunod sa subpoena at kabiguang isumite ang mga kinakailangang dokumento, na nagkakaisang inaprubahan ng komite.

Sinang-ayunan din ng quad comm ang mungkahi ni Batangas 2nd District Rep. Greville “Jinky Bitrics” Luistro na ibasura ang apela ni Roque na bawiin ang subpoena na nag-uutos sa kanya na isumite ang iba’t ibang dokumento, kabilang ang mga rekord ng negosyo, tax returns at SALNs, na kanyang ipinangakong ibibigay sa pagdinig noong Agosto 22.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na na-contempt ng quad committee si Roque. Ang unang contempt ay sa pagdinig noong Agosto 22, dahil sa pagsisinungaling tungkol sa kanyang pagliban sa imbestigasyon noong Agosto 16 sa Porac, Pampanga.

Si Roque ay pinatawan lamang ng 24-oras na pagkakakulong at babala na ang mga susunod na paglabag ay magreresulta sa mas mabigat na parusa.

Sa pagliban sa tatlong nakalipas na pagdinig, inisyuhan si Roque ng komite ng subpoena na nag-uutos sa kanya na humarap at magbigay ng testimonya at isumite ang mga dokumento na hinihingi ng komite.

Kumbinsido ang komite at si Luistro na mahalaga ang mga dokumentong hinihingi mula kay Roque para sa imbestigasyon ukol sa kanyang umano’y kaugnayan sa mga ilegal na POGO.

“It is the humble submission of this representation that the Quad Committee has established overwhelming circumstantial evidence showing the connection of Atty. Harry Roque to Lucky South 99, a POGO operation,” ayon sa pahayag ni Luistro sa nakalipas na pagdinig noong Huwebes.

Ang Lucky South 99 ay isang illegal POGO firm sa Porac na sinalakay noong Hunyo. Dito natuklasan ng mga otoridad ang ebidensya ng human trafficking, pagpapahirap, scam farms, prostitusyon, isang porn hub, at iba pang mga ilegal na gawain.

Bagama’t itinanggi ni Roque ang pagkakasangkot sa POGO, pinuna naman ni Luistro ang malaking “discrepancy” ng kanyang sahod bilang opisyal ng gobyerno at ang biglaang pagdami ng kanyang mga ari-arian, kabilang na ang Biancham Holdings, isang kumpanyang pag-aari ng kanyang pamilya.

Giit ni Luistro, ang hindi maipaliwanag na paglago ng kanyang yaman ay nagdudulot ng mga tanong at suspetsa tungkol sa kanyang posibleng pagkakasangkot sa mga ilegal na operasyon, tulad ng POGO.

Naniniwala si Luistro na ang imbestigasyon ay magbibigay daan para sa mga reporma sa batas, kabilang ang muling pagsusuri ng mga batas gaya ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Anti-Money Laundering Act, Corporation Law, at maging ang Code of Professional Responsibility and Accountability for Lawyers.

Kabilang sa mga dokumentong hinihingi ng komite kay Roque ay ang deed of sale ng lupa sa Multinational Village, Parañaque; mga dokumento tungkol sa paglipat ng pagmamay-ari ng Biancham; extrajudicial settlement ng ari-arian ng kanyang tiyahin; mga SALN mula 2016 hanggang 2022; at ang kanyang 2018 income tax return.

Sa mga nakalipas na pagdinig, inusisa ni Luistro ang mga aktibidad sa negosyo at financial record ni Roque, dahil sa malalaking pagkakaiba sa pagitan ng kanyang mga inihayag na ari-arian at ng mga ari-arian ng Biancham Holdings.

Lumalabas sa imbestigasyon, ang biglaang paglago ng kaniyang ari-arian ay noong panahon ng paglaganap ng POGO sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na nagdulot ng higit pang mga suspetsa.

Paliwanag ni Roque na ang paglaki ng kanyang mga ari-arian ay nagmula sa pagbebenta ng isang pag-aari ng pamilya sa Parañaque City, subalit hindi pa rin nakumbinse ang komite.

Itinanggi rin ni Roque na siya ang abogado ng Lucky South 99 at nanindigan na ang kanyang kliyente ay ang Whirlwind, isang POGO service provider.

Gayunpaman, ang mga dokumentong ipinakita sa komite ay nagpapakita na mayroon siyang ugnayan sa parehong kumpanya.