Calendar
Senado inaprubahan alternatibong pagtatamo ng degree
PORMAL nang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagbibigay ng “alternatibong paraan” para makamit ang undergraduate at graduate na mga degree na mayroon ng kasanayan sa partikular na kurso.
Ang Senate Bill No. 2568, na inisponsor ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero, ay naglalayong maisabatas ang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program o ETEEAP.
Sinabi ni Sen. Joel Villanueva, na inisponsor din ang panukalang batas at siya ring nagdepensa nito sa interpelasyon, na ang layunin ng panukala “ay payagan at bigyan ng kapangyarihan ang mga taong kailangang magtrabaho agad upang kilalanin at mabigyan ng katumbas na kredito ang kanilang mga karanasan sa trabaho at mga natutunan para sa tertiary education.”
“The bill institutionalizes the ETEEAP, which assesses and assigns appropriate equivalency credits for learnings and experience leading towards the grant of an appropriate academic degree,” ani Villanueva.
Ayon kay Escudero, dating chairperson ng Committee on Higher, Technical, and Vocational Education: “By granting them an alternative pathway to earn an appropriate academic degree, this program contributes to the career advancement of Filipino professionals.”
Upang maging kwalipikado sa ETEEAP, ang aplikante ay dapat isang mamamayang Pilipino na nakatira sa Pilipinas o sa ibang bansa, may edad na hindi bababa sa 23 at may hindi bababa sa limang taon ng pinagsamang karanasan sa trabaho.
Dapat din ang mga aplikante ay nakapagtapos ng sekondaryang edukasyon na may patunay ng diploma sa high school, o resulta ng Philippine Educational Placement Test o Alternative Learning System Accreditation and Equivalency Assessment and Certification, na nagsasaad na ang aplikante ay kwalipikadong pumasok sa kolehiyo.
Maari ring magsumite ang aplikante ng mga dokumentasyon ng mga kaugnay na programa sa pagsasanay at iba pang patunay ng pormal, di-pormal, at impormal na pag-aaral, ayon sa hinihingi ng deputized higher educational institution, kasama na ang, ngunit hindi limitado sa, National Certificates (NCs) o Certificates of Competency na inisyu ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ang Commission on Higher Education (CHED) ang mangungunang ahensya sa pagpapatupad ng mga probisyon ng batas na ito, at magtatakda ng mga kolehiyo at unibersidad na nais mag-alok ng ETEEAP bilang bahagi ng kanilang akademikong programa.
Kaugnay sa ETEEAP, inatasan din ang CHED na maglapat ng karagdagang mga kapangyarihan at tungkulin, kabilang ang: pagtatakda ng mga higher education institutions (HEIs) upang mag-alok ng ETEEAP; pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno upang matukoy ang mga prayoridad na programa; pagtitipon ng mga inter-agency consultations para sa pagpapatupad ng polisiya; at paglalaan ng mga programa ng pinansyal na tulong sa mga estudyanteng ETEEAP learners.
Ang mga HEIs na deputized ay magpapaunlad ng malinaw na mga polisiya at pamamaraan para sa pagpapatupad ng ETEEAP, at magtatalaga ng isang panel ng internal at external assessors na siyang tutukoy sa mga nararapat na kredito na dapat makuha ng isang aplikante.