Calendar
Umabot na sa 4 kaso ng mpox sa QC
Tatlong nauna magaling na
UMABOT na sa apat ang kaso ng monkeypox (mpox) sa lungsod ng Quezon na kung saan ang pinakahuling pasyente ay isang lalaking empleyado.
Sa isinagawang QC journalist forum, iniulat ni Sarah Conclara ng MPOX Surveillance Unit ng QC health Department, ang pang-apat na pasyente ay pumasok pa umano sa kanilang tanggapan subalit matapos ang dalawang araw, may napansin itong mga sugat sa kanyang katawan kaya nagpatingin ito sa doctor. Batay sa kanyang resulta, nagpositibo ito sa mpox.
Sinabi naman ni Conclara na ang tatlong mpox na nauna nang nag positibo ay pawang magagaling na.
Ayon naman kay Atty Leo Albert Lazo, hepe ng Enforcement and Adjudication Division ng Business Permit and Licensing Department (BPLD), nagsagawa sila ng operasyon sa may 385 na business establishment sa lungsod na kung saan 282 dito ay napatunayang walang sanitary permit. Dahil dito inirekomenda ng city health department ang pagpapasara sa mga ito.
Samantala, ipina-alala naman ni Councilor Bernard Herrera, Committee Chair on Health and Sanitation, ang umiiral na lokal na batas na kung saan kailangang bigyan ng pagsasanay at kaalaman ang mga health workers kung paano ma-handle ang mga kaso ng mpox.
Binanggit pa ng konsehal na gumagawa na rin ng hakbang ang konseho para sa pagpapa-igting ng pagpapatupad ng batas upang maparusahan ang mga fan establishment na hindi kumukuha ng kaukulang permit at hindi nakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan.
Sa ganitong paraan, ani Herrera, maiwasan at mapigilan ang pagdami ng kaso ng mpox sa lungsod.
Bukod dito, mayroon din ibang hakbang ang konseho upang maparusahan ang mga taong nagkaroon ng contact sa mga mpox patient na ayaw makipagtulungan sa kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa naturang sakit.
Sinabi naman ni Conclara na katuwang din nila ang mga barangay health official sa kampanya kontra mpox para sa mas mabilis na pag iwas na dumami ang kaso.