MMFF

MMDA inilunsad Sine Sigla sa Singkwenta

Edd Reyes Sep 20, 2024
64 Views

INILUNSAD ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Sine Sigla sa Singkwenta 50@P50 kasunod ng inauguration ng mural sa mga pader sa EDSA bilang pagdiriwang ng ika-50-taong anibersaryo ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.

Sa Sine Sigla sa Singkwenta, mapapanood ang mga lumang pelikula na nakasali sa MMFF sa nakalipas na 50 taon sa mga sinehan sa halagang P50.

May kabuuang 50 pelikula na kalahok sa MMFF na may iba’t-ibang tema ang pagpipilian ng mga manonood sa mga sinehan nationwide simula Setyembre 25 hanggang Oktubre 15.

Ayon kay MMDA Acting Chairman at MMFF Overall Concurrent Chairman Atty. Don Artes, layunin ng inisyatiba na kilalanin ang deka-dekadang panahon na nai-ambag ng MMFF sa industriya ng pelikulang Pilipino.

“With the Sine Sigla sa Singkwenta screenings, we will bring some of the most memorable MMFF films back to the big screen for just P50; allowing both new audiences to experience the magic of those beloved films once again.

These films represent the very best of what the MMFF has offered over the past five decades,” pahayag ni Artes.

Pinasinayahan din ng MMFF ang Sine Sigla sa Singkuwenta mural sa mga pader sa EDS na nagtatampok sa mga ipinintang larawan ng mga sikat na artista tulad nina Dolphy, Eddie Garcia, Gloria Romero, Nora Aunor, Vilma Santos, Christopher De Leon, Maricel Soriano, Vic Sotto, Marian Rivera, Dingdong Dantes, Vice Ganda, Amy Austria, Joseph Estrada, Anthony Alonzo at Fernando Poe Jr.

Maging ang mga pininta sa pamamagitan ng kamay na mga poster sa mga nagdaang kalahok makikita rin sa pader ng EDSA sa pakikipagtulungan ng iAcademy, isang Design academic institution.

Nagpasalamat si Artes sa mga gumagawa ng pelikula, sa mga taong nasa likod nito at sa lahat na naging kabahagi, tumulong at sumuporta sa MMFF

“As we look forward to another 50 years, let us continue to support and promote the MMFF and the local film industry, and encourage our Filipino filmmakers to create meaningful and impactful films that resonate with audiences both local and abroad,” sabi ni Artes.