Guo Dating Bamban Mayor Alice Guo

Frozen assets in Alice Guo sinilip sa House quad comm probe

75 Views

SINILIP ng quad committee ng Kamara de Representantes ang yaman ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa ika-anim na pagdinig nito noong Huwebes kaugnay ng iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO).

Pinangunahan ni Ako Bicol Party-list Rep. Raul Angelo Bongalon ang pagtatanong kaugnay ng mga naka-freeze na asset ni Guo.

Ayon kay Atty. Adrian Arpon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), kasama sa mga na-freeze na ari-arian ni Guo ang mga bank account, corporation share, real property at personal property gaya ng helicopter at sasakyan.

Sinabi ni Arpon na 88 principal bank account at 90 related account ang target ng freeze order.

“The total peso equivalent that was frozen was more than P199 million,” sabi ni Arpon.

Ang mga real property naman na nasa pangalan ni Guo at iba pang indibidwal na saklaw ng freeze order ay nasa P478 milyon ang halaga.

Kasama rito ang tatlong ari-arian sa Bulacan, pito sa Las Piñas, dalawa sa Tarlac at isang ari-arian na nagkakahalaga ng P13 milyon na ibinenta ng Robinsons Land Corporation.

Kinukumpirma naman kung ang ari-arian sa Alabang, Muntinlupa City, at ang nakalista sa Las Piñas ay iisa lamang.

Ang mga sasakyan naman na saklaw ng freeze order ay nagkakahalaga ng mahigit P76 milyon samantalang ang helicopter ay nagkakahalaga ng P63.9 milyon.

“If it’s effectively frozen, there are properties now undergoing civil forfeiture, including the land where the Baofu compound is located,” dagdag pa ni Arpon.

Sinabi ni Bongalon na mayroong mga naging pagtatangka na ibenta ang mga ari-arian ni Guo matapos lumabas ang kontrobersya.

“There were attempts to dispose the properties of Alice Guo or any properties that is in any way related to you (Guo) or to your corporation that you being a stockholder or being a shareholder… And that is why eto pong amount na nabanggit po ng ating AMLC ay maliit pa po ito doon sa total assets na meron po at pwedeng ma-recover at pwede pong maging subject ng freeze order,” ani Bongalon.

Sinabi ni Bongalon na ang imbestigasyon ay dapat magsilbing babala sa publiko na hahabulin ng batas ang mga magtatangkang ibenta ang mga ari-arian na mula sa iligal na gawain.