Leni Robredo

Robredo walang makukuhang boto sa mga sabungero, trabahdor sa sabungan

Nelo Javier Mar 27, 2022
401 Views

GALIT na galit ngayon ang mga sabungero maging ang mga nagta-trabaho sa mga sabungan at mga game farm owner dahil sa pahayag ni Leni Robredo na agad ipatigil ang e-sabong o online sabong sa bansa.

Sa “Kandidatalks” presidentiables series na ipinalabas ng TV5 nitong Marso 25, iginiit ni Robredo na dapat ipatigil ang operasyon ng e-sabong sa lalong madaling panahon dahil nakakaapekto na umano ito ng malaki sa pamilyang Filipino.

“Paniwala ko talaga kailangang i-suspend na ito at the soonest possible time,”sabi ni Leni.

Giit pa niya na marami na raw siyang naririnig na hindi magandang nangyayari ukol sa operasyon ng e-sabong tulad ng pagkawala ng ilang mga sabungero at pagkalulong sa sugal.

“Ano ba yung mga safeguards na yung mga nangyayari ngayon worth ba yun na pera na nakukuha ng pamahalaan? Para sa akin hindi e,” dagdag pa ni Robredo.

Pero hindi nagustuhan ng mga sabungero, game farm owners at maging ng mga trabahador na nabubuhay sa sabungan at online sabong ang mga binitiwang pahayag ni Robredo.

Anila, bukod sa bilyon-bilyong halaga na pinapasok ng online sabong sa kaban ng pamahalaan dahil sa malaking buwis nito, marami ring pamilya ang nabigyan ng kabuhayan dahil sa operasyon nito.

“Ang tinitingnan lamang ni Robredo yung maliit na bahagi na naging problema ng e-sabong. Bakit hindi niya tingnan ang mas malaking tulong nito. Hindi ba niya alam na mas maraming binuhay na pamilya ng dahil sa e-sabong,” ayon sa isang game farm owner na tumangging magpakilala.

“Simula nang magkaroon ng e-sabong dito na kami Kumuha ng ikabubuhay. Diyan ko na rin pinag-aral ang mga anak ko,” ayon naman sa isa pa na nagta-trabaho sa isang betting station ng online sabong.

Giit naman ng mga sabungero, matagal na raw may sugal at panahon pa ng kastila ang sabong at kasama na ito sa buhay ng Filipino.

“Bakit sabong ang pinag-iinitian niya ang dami-daming sugal na pwedeng malulong ang mga Pinoy. Andyan ang malalaking casino, stl, jueteng at kung ano-ano pa. Dapat ipatigil din niya (Robredo) ito,” ayon sa isang sabungero.

“Wala siyang makukuhang boto sa mga sabungero at sa mga nagta-trabaho dito na katulad ko. Sigurado yan,” sabi naman ng isang galit na trabahador sa sabungan.