Calendar
Poe sa BSP, PSA: Siguruhin patuloy na pag-imprenta, paglabas ng national IDs
HINIKAYAT ni Sen. Grace Poe ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ang Philippine Statistics Authority (PSA) na ilatag ang kanilang mga plano upang masiguro ang patuloy na pag-imprenta at paglabas ng mga national ID sa kabila ng mga legal na hamon sa isang pribadong supplier.
Binanggit ni Poe na tinatayang 116 milyong ID ang dapat na nailimbag simula nang magsimula ang national ID program noong 2021.
Gayunpaman, 67 milyon lamang ang naipamahagi hanggang ngayon.
Noong Agosto 15, naglabas ang BSP ng notice of termination laban sa AllCard Inc., ang pribadong kumpanyang kinontrata upang mag-imprenta ng mga ID, dahil sa “failure to deliver any or all of the goods specified in the contract.”
Gayunpaman, noong nakaraang linggo, iniutos ng Quezon City Regional Trial Court ang pagtigil sa terminasyon ng kontrata.
“Dapat talaga ay magsabi ng totoo ang Central Bank kung ano ba talaga ang naging problema dito. Totoo ba yung sinasabi nila na hindi ito subcontracted. Malinaw naman na mayroong ibang gumawa,” sabi ni Poe.
“Tuloy-tuloy na rin sana yung printing ng ating IDs. Matagal na itong hinihintay ng ating mga kababayan, at pondo ng taumbayan ang nakataya rito,” dagdag niya.
Itinanong din ni Poe sa BSP at PSA kung ano ang kanilang susunod na hakbang habang hinihintay ang resolusyon sa legal na kaso.
“If they cannot resolve it legally, will another agreement be made to print the cards? This will be an additional cost to the people and the government,” aniya.
Hiniling din ng senadora sa Bangko Sentral na linawin ang mga ulat na may kinontratang kumpanya mula sa Madras, India, para sa pag-imprenta ng mga ID.
“Gusto nating magkaroon ng diretsong sagot mula sa BSP. Iyong susunod nating hakbang ay ipatawag sila. Masyado nang atrasado ang national ID na sana ay nagagamit na ng ating mga kababayan,” dagdag ni Poe.