BBM Itinaas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. (center) ang mga kamay ng Bagong Alyansa senatorial candidates sa 2025 midterm election sa ginanap na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Convention sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City Huwebes ng umaga. Mula kaliwa ay makikita sina DILG Secretary Benhur Abalos Jr., Senator Pia Cayetano, Senator Lito Lapid, Manny Paquiao, Tito Sotto, Rep. Erwin Tulfo, Deputy Speaker Camille Villar, Senator Francis Tolentino, Senator Ramon “Bong’ Revilla, Panfilo ‘Ping” Lacson, at Makati Mayor Abigail Binay. Wala sa litrato si Senator Imee Marcos. Kuha ni VER NOVENO

PBBM ipinakilala na 12 kandidato ng admin

Chona Yu Sep 26, 2024
43 Views

IPINAKILALA na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 12 kandidato ng kanyang administrasyon sa pagka-senador sa 2025 midterm elections sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Convention sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Ang mga kandidato na kinabibilangan nina Manny Pacquiao, Benhur Abalos at Francis Tolentino na pawang galing sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Pangulong Marcos.

Pasok din sa admin slate sina dating senador Bong Revilla at Erwin Tulfo na galing sa Lakas-Christian Muslim Democrat.

Kakandidato rin sina dating senador Tito Sotto, Ping Lacson at Lito Lapid at Makati City Mayor Abby Binay na pawang galing sa Nationalist People’s Coalition.

Pambato naman ng Nacionalista Party sina Senador Pia Cayetano, Imee Marcos at Las Pinas Congresswoman Camille Villar.

Sa 12 kandidato, pito ang galing sa House of Representatives at walo ang beteranong senador. Sa line up, 4 ang humawak ng cabinet rank at apat naman ang abogado.

“Ang sabi nila, ang halalan daw panahon ng pagkakabitak-bitak, pagsisiraan, pagkakahati-hati,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Subalit kabaligtaran po ang inilulunsad ng ating Alyansa. Sapagkat ito ay isang kilusang bayan na magbubuklod sa pinakamalawak na puwersa ng mga nagmamahal sa Inang Bayan…na ikakampanya ang isang programang pangkaunlaran na walang naiiwanan…na pagsasamahin ang 12 magigiting na Pilipino na may taglay na sipag at galing para maging pinuno,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Kumpiyansa si Pangulong Marcos na mananalo ang 12 kandidato ng administrasyon.

“Tangan ang prinsipyong makatao, maka-Diyos, makabasa. Titindig para sa interes ng bayan, at sa kapakanan at karapatan ng bawat isang Pilipino,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nabatid na tuwing Huwebes sasama si Pangulong Marcos sa pangangampanya ng 12 kandidato.