Torre PNP-CIDG Director Brig. Gen. Nicolas D. Torre III

DAGDAG KASO SA BACKERS NI PACQ

77 Views

PNP-CIDG Director Brig. Gen. Nicolas D. Torre III:

SINABI ni Brigadier General Nicolas D. Torre III, ang bagong direktor ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), na magsasampa sila ng karagdagang mga kaso laban sa mga tagasuporta at backers ni Pastor Apollo C. Quiboloy Jr., na nagbanta sa kanya at sa kanyang mga tauhan pati na rin sa kanilang mga pamilya sa loob ng dalawang linggong paghahanap sa nagtatag ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Bilang dating direktor ng Police Regional Office 11 na nanguna sa matagumpay na manhunt para kay Quiboloy, lamentado si Torre na siya at ang kanyang mga kasamahan, pati na rin ang kanilang mga pamilya, ay nakatanggap ng mga pagbabanta at harassment mula sa mga tagasuporta ng televangelist, habang isinasagawa ang operasyon para mahuli si Quiboloy at ang kanyang apat na kasamahan na inakusahan sa kasong human trafficking.

Ayon kay Torre, magsasampa sila ng mga kaso para sa direct assault laban sa mga miyembro ng KOJC na nag-harass sa mga miyembro ng pulisya, mga mamamahayag na nag-cover sa operasyon, at iba pang mga sibilyan.

“One of the complainants is General Nicolas Torre dahil kasama ako. I will also file the direct assault charges dahil may direct assault sa akin. I will be personally filing cases,” aniya, isang miyembro ng Philippine National Police Academy “Tagapaglunsad” Class of 1993.

Dagdag pa ni Torre, nauunawaan niya ang mga loyalista ni Quiboloy na dumepensa sa kanilang lider, ngunit nais niyang managot ang mga nagbanta hindi lamang sa mga pulis kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya, na walang kinalaman sa trabaho ng mga opisyal.

“Yung in-involve nila mga anak namin, mga asawa namin, ay teka muna, over and above the bakod na ‘yan. Hindi pupwede ‘yan,” ani Torre.

Ang bagong PNP-CIDG director ay naging target ng mga hate messages sa social media sa buong 16 araw na paghahanap kay Quiboloy.

Binansagan siya ng mga derogatory names, at ang kanyang social media accounts pati na ang mga anak niya ay binaha ng mga hate messages mula sa mga tagasuporta ni Quiboloy.

“No sugarcoating, ang di katanggap-tanggap diyan ay ini-involve nila ‘yung mga walang pakialam most especially ‘yung mga pamilya ng mga pulis, most especially ‘yung pamilya ko. ‘Yung mga taong gumawa ‘nun ay talaga naman maghanda-handa sila dahil makakatanggap sila ng notices at dadalhin natin sila sa korte,” pahayag niya.

Kasama rin sa plano ng PNP ang pagpapalakas ng mga kaso laban sa mga miyembro ng “Angels of Death” ni Quiboloy, na pinaniniwalaang ginagamit ni Quiboloy upang magbanta o mang-intimidate sa mga miyembro ng KOJC na lumalabag sa kanyang mga utos.

Si Quiboloy ay kasalukuyang nakakulong sa maximum-security PNP Custodial Center sa Camp Crame at nahaharap sa non-bailable na kasong human trafficking.

Ang kaso ay nag-ugat sa mga akusasyon na ginagamit niya ang mga kababaihan at kabataang miyembro ng KOJC upang magbenta ng mga produkto at mangalap ng pondo para sa kanyang simbahan.

Siya rin ay hinahanap ng United States Federal Bureau of Investigation (FBI) matapos siyang kasuhan sa U.S. grand jury ng conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children, at bulk cash smuggling.

Pinuri ni Torre ang Davao City police force na pinamumunuan ni Colonel Hansel M. Marantan sa kanilang malaking papel sa pag-trace kay Quiboloy, na kilala sa malakas na koneksyon sa pamilya Duterte.

Ayon kay Torre, ipinakita ng Davao City police na maaari silang pagkatiwalaan kahit na matagal nang may mga hinala na marami sa kanila ang naglilingkod lamang sa mga Duterte, Quiboloy at iba pang mga influential na tao sa rehiyon.

“It is time for them to shed that kind of, it is time we shed that kind of prejudice against the Davao City police. Pinakita ng Davao police na talagang professional sila. Given the right circumstances, the right situation, the right mission, they will do the job. We will do the job…no matter how well connected with the entrenched political people and personalities ang target,” aniya.