Marbil1

2 pulis sibak sa pagpatay sa ex-PCSO exec, utak hinahanting ng PNP

Alfred Dalizon Sep 30, 2024
91 Views
Marbil2
PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil

TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil nitong Lunes sa publiko at sa pamilya ng pinaslang na retiradong heneral at dating opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Wesley Barayuga na kanilang hahabulin ang mga nasa likod ng pagpatay at ang mga nagtangka pang pagtakpan ang imbestigasyon.

“The Chief PNP doesn’t care kung ano po ang hahantungan ng investigation he ordered. Wala po tayong sasantuhin dito and we will proceed where the evidence will lead us, if there are evidence that will point to other persons other than former PCSO General Manager Royina Garma and Napolcom Commissioner Edilberto Leonardo,” pahayag ni PNP spokesperson Col. Jean S. Fajardo sa mga mamamahayag sa Camp Crame.

“A clear, transparent and unbias investigation ang gusto ni Chief PNP. He really wants to go to the bottom of this case and whether active or retired officials ang involved, walang sisinuhin dito. We owe it to the family of Gen. Barayuga and the public,” dagdag ni Fajardo.

Ayon kay Fajardo, nais ng PNP chief na magkaroon ng tunay na imbestigasyon.

“Definitely, there will be a backtracking. Sino ba nag-imbestiga? May kapabayaan ba? Nagkaroon ba ng pagtatakip? Lahat po iyan pabubuksan ng Chief PNP and definitely, corresponding criminal and administrative cases will be filed against anybody who will be found to be involved,” aniya.

“Ang assurance ni Chief PNP na gusto po niyang iparating sa lahat ay walang gagawing pagtatakip dito. Lahat ng ebidensiya ay kukuhanin. Nakalulungkot na nagkaroon ng kapabayaan, may pagtatakip pero titingnan po lahat ng CIDG. The Chief PNP gave his full trust and confidence to Brig. Gen. Torre and knowing Gen. Torre, I’m sure he’s very capable of doing the job,” dagdag niya.

Inalis na sa puwesto sina Lieutenant Col. Santie Mendoza at Col. Hector Grijaldo na pinangalanan ni Mendoza bilang mga opisyal na nag-utos umano sa pagpatay kay Barayuga.

Inilipat sila sa Personnel Holding and Accounting Unit ng PNP Directorate for Personnel and Records Management sa Camp Crame at inilagay sa restrictive custody upang masiguro ang kanilang pagdalo sa imbestigasyong iniutos ni Marbil.

Nakipagpulong si Marbil kay PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Brigadier Gen. Nicolas D. Torre upang tiyakin ang buong suporta para sa Special Investigation Task Group na mangunguna sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa pagpatay kay Barayuga noong Hulyo 30, 2020.

Nabanggit din ni Fajardo na hindi talaga isinara ng CIDG ang kanilang imbestigasyon sa kaso ni Barayuga. Isa sa mga sinisilip noon ay ang umano’y pagkakasangkot ng nasabing opisyal sa iligal na droga, ngunit kalaunan ay nalinis siya sa mga paratang.

Napag-alaman na hindi kasama si Barayuga sa unang dalawang listahan ng drug personalities na inilabas ng administrasyong Duterte at idinagdag lamang sa ikatlo at huling drug list isang taon matapos siyang mapatay. Dahil dito, nais ni Marbil na malaman kung paano napasama ang pangalan ni Barayuga sa listahan.

“We want to get a clearer picture of what happened before, during and after the killing. I don’t want to preempt the future actions of the CIDG but they will start from Santie Mendoza and Nelson Mariano whose Quad Comm statements will be reduced into writing,” paliwanag ni Fajardo.

Isang imbestigasyon na inilunsad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong 2020 ay hindi nakahanap ng makabuluhang ebidensiya kaya’t idineklarang “cold case” ang insidente at ipinasa sa PNP-CIDG.

Inaasahang ipapatawag ng PNP-CIDG si Mendoza at ang dating pulis na si Nelson Mariano upang magbigay ng kanilang mga sinumpaang salaysay kaugnay ng kaso. Si Mariano ay sinibak sa serbisyo noong 2017 dahil sa grave misconduct.

Ipinahayag din ni Fajardo na posible ring humarap si Mendoza sa mga kasong administratibo matapos niyang aminin sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes na siya ang naghanap ng hitman upang ipapatay si Barayuga. Kinilala niya si alyas “Loloy” bilang ang gunman na pumatay sa retiradong heneral.

Sinabi pa ni Fajardo na bibigyan ng sapat na proteksyon si Mendoza habang iniimbestigahan ng CIDG ang kanyang mga salaysay at sisiguraduhing ligtas siya.

Si Garma ay kasapi ng PNP Academy Class 1997 habang si Leonardo naman ay kabilang sa PNPA Class 1996. Itinalaga si Leonardo bilang Napolcom commissioner ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2022, apat na buwan bago natapos ang kanyang termino. Dati ring undersecretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) si Leonardo.

Noong nakaraang Biyernes, nagpatotoo si Mendoza sa quad comm ng Kamara na inutusan umano siya nina Leonardo at Garma na isagawa ang operasyon laban kay Barayuga.