Barbers Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers

Barbers hinimok ang DOJ na sampahan ng kasong murder Garma, Leonardo

60 Views
Garma
Dating PCSO general manager Royina Garma
Leonardo
Dating Police Col. Edilberto Leonardo

HINIMOK ng overall chairman ng quad committee ng Kamara de Representantes ang Department of Justice (DOJ) na sampahan ng kasong murder sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma at dating Police Col. Edilberto Leonardo kaugnay ng pagpaslang kay dating PCSO Board secretary Wesley Barayuga noong 2020.

“We are in close coordination with the DOJ. They have representatives monitoring our hearings precisely because we are unearthing evidence of criminal activities and other acts of wrongdoing in the course of our inquiry. They should interview our two witnesses last Friday and assess their testimonies,” ani Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.

Ang tinutukoy na testigo ni Barbers ay sina Police Lt. Col. Santie Mendoza ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group at ang asset nitong si Nelson Mariano.

Ayon kay Barbers, na siya ring chairman ng House committee on dangerous drugs, dapat nang isaalang-alang ng DOJ ang mga testimonya at affidavit nina Mendoza at Mariano at maghain na ng kasong murder laban kina Garma at Leonardo sa lalong madaling panahon.

“They do not have to wait for the report of the joint committee, which will include a recommendation to file such charges. The panel will take time to write the report since the inquiry is still ongoing,” saad ng mambabatas.

Sa pagdinig ng quad comm noong Setyembre 27, iminungkahi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, na siyang unang nagkaroon ng pagkakataon na magtanong kay Mendoza, na isama sa magiging rekomendasyon sa ulat ng komite ang pagsasampa ng kaso laban kina Garma at Leonardo.

Para kay Pimentel, maliwanag batay sa mga testimonya nina Mendoza at Mariano na sina Garma at Leonardo, na kilalang malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang nasa likod ng pagpaslang kay Barayuga noong Hulyo 30, 2020.

Inilarawan ni Pimentel si Garma bilang isang walang awang mamamatay tao na nagkukunwari na isang maamong tupa.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Mendoza na noong Oktubre 2019 ay kinontak siya ni Leonardo, alinsunod sa utos umano ni Garma, para ipapatay si Barayuga na sangkot umano sa iligal na droga.

Sina Garma at Leonardo ay kapuwa nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) at upperclassmen ni Mendoza.

Kinontak naman umano ni Mendoza si Mariano upang maghanap ng hired killer at ang kanyang nakuha ay nagngangalang “Loloy.”

Isa umanong tao ni Garma na ang pangalan ay Toks ang siyang nagbigay ng detalye ni Barayuga.

Ayon kay Mendoza, si Toks ang nagbigay ng mga detalye kay Mariano upang matunton si Barayuga.

Nang araw na patayin si Barayuga, nagpadala umano ng litrato si Toks na kuha umano ni Garma sa isang pagpupulong ng PCSO Board. Ibinigay din ang detalye ng sasakyan na gagamitin ni Barayuga upang madali itong mahanap.

Ayon kay Mariano, ang mga impormasyon ay ipinapadala sa pamamagitan ng Viber.

“The exchange of messages via Viber and the supposed photo of Barayuga taken by Garma during their PCSO meeting will strengthen the case against Garma and Leonardo,” sabi ni Barbers.

Sa pagdinig noong nakaraang Biyernes, ipinakita ni Antipolo Rep. Romeo Acop kay Mariano ang isang kopya ng larawan ni Toks.

Kinumpirma ng testigo na siya rin ang parehong tao na kanyang nakilala at nagbigay sa kanya ng P300,000 bilang kabayaran sa pagpatay kay Barayuga, na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Matikas Class of 1983.

Ayon kay Acop, na isa ring PMA graduate, ang yumaong Board secretary ng PCSO ay pinatay dahil sa pagtutol nito sa plano ni Garma na palawakin ang mga operasyon ng small town lottery (STL) ng PCSO, kabilang ang pagbibigay ng STL franchises sa mga kaibigan ni Garma at mga pulis na malapit sa dating Pangulong Duterte.

“That was the real motive. They just made it appear that Atty. Barayuga was involved in drugs. He was a victim of the war on drugs. He was a simple man. He rode public transportation and brought his ‘baon’ to his office,” saad nito.

Pinuna rin ni Acop ang noo’y PCSO chairperson na si Anselmo Pinili, at kaklase ni Barayuga sa PMA, dahil sa umano’y pananahimik nito kaugnay ng motibo sa pagpaslang.