Hapon, Koreano

Puganteng Hapon, Koreano ipapa-deport ng BI

Jun I Legaspi Oct 3, 2024
50 Views

INARESTO at nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean at Japanese national na umano’y pugante sa kanilang mga bansa at itinuturing na undesirable aliens.

Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na naaresto ang dalawa sa operasyon ng mga operatiba ng BI fugitive search unit (FSU) noong Setyembre 30 at Oktubre 1.

Kinilala ang Koreano na si Hwang Seongbin, 34, na naaresto noong Setyembre 30 sa Rockwell Drive, Brgy. Poblacion, Makati at ang Japanese national na si Sasaki Yohei, 36, na nadakip noong Oktubre 1 sa Mercury St., Bahay Toro, Quezon City.

Naaresto ang mga dayuhan batay sa mission orders na inisyu ni Viado sa kahilingan ng mga gobyerno ng South Korea at Japan na hinihiling ang deportasyon ng dalawa para maiharap sa paglilitis para sa mga krimen na kanilang nagawa.

Si Hwang, na may warrant of arrest mula sa Eujeong district court sa Korea, wanted dahil sa pagkakasangkot sa stock investment scam na isinagawa habang siya’y presidente ng isang kompanya.

Inakusahan siyang hinikayat ang kanyang mga biktima na mag-invest sa scam na nagresulta sa pagkawala ng 100 milyon won ($75,000).

Si Yohei, may warrant of arrest na inisyu ng Omiya summary court sa Saitama, Japan, sangkot sa pandaraya sa isang biktima sa nursing home kung saan siya nagtatrabaho bilang staff.

Si Yohei umano ang humikayat sa biktima na mag-invest ng higit sa 3 milyong yen sa isang pekeng kontrata.

Bukod dito, si Yohei sinasabing miyembro ng isang Cambodia-based telecom fraud syndicate na sangkot sa kidnapping, iligal na detensyon, pangingikil at pandaraya.

Nalaman na ilang matataas na miyembro ng sindikato ang naaresto na sa mga nakaraang operasyon ng BI-FSU.

Sinabi ni Viado na ipapadeport ang dalawa matapos maglabas ng kautusan ang BI Board of Commissioners para sa kanilang summary deportation at ilalagay sa blacklist at pagbabawalan nang makabalik sa bansa.