Martin1 Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Pangako ni Speaker: Tuloy na supply at abot-kayang presyo ng pagkain

58 Views

Martin2Martin3Kamara patuloy na katuwang ni PBBM

NANGAKO si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na patuloy na magiging katuwang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Kamara de Representantes sa pagtiyak na mayroong suplay ng abot-kayang pagkain para sa mga Pilipino.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag bilang reaksyon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal ang inflation rate ng bansa noong Setyembre sa 1.9 porsiyento mula sa 3.3 porsiyento noong Agosto at 4.4 porsiyento noong Hulyo.

Ang naitalang inflation rate noong nakaraang buwan ang pinakamababa sa nakalipas na apat na taon.

“The intervention measures taken by the government under the leadership of President Marcos Jr. are now yielding positive results,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Tinukoy ni Speaker Romualdez ang naging desisyon ng Pangulo na ibaba ang taripa sa pag-import ng bigas, mula 35 porsiyento ay ginawa na lamang itong 15 porsiyento, at ang direktang pagbebenta ng murang bigas ng gobyerno sa publiko sa pamamagitan ng mga Kadiwa store.

“These twin steps have significantly reduced the retail price of rice, from above P50-P60 per kilo to P40-P42 per kilo, or by at least 20 percent,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Binanggit din ng kinatawan ng Leyte ang mga pangunahing programa ng Pangulo — ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) at ang Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk and Families (PAFFF) — na bumisita sa 24 na lugar sa buong Pilipinas, at nakapagbigay na ng mahigit P10 bilyong halaga ng mga serbisyo ng gobyerno at tulong pinansyal sa mahigit 2.5 milyong pamilyang Pilipino.

“Aside from the cash aid distributed in BPSFs, which will definitely boost the spending power of the people and stimulate the local economy, the services offered here like employment requirements help citizens get jobs or seek livelihood,” ayon kay Speaker Romualdez.

“Meron itong multiplier effect para sa ating bansa. When people have jobs and livelihood, it benefits not only the local economy but that of the whole country’s as well,” dagdag pa nito.

Umaasa si Speaker Romualdez na magpapatuloy ang pagbagal ng inflation rate o maitala ito sa pinakamababang lebel ng target na 2 hanggang 4 porsiyento ngayong taon.

Sinabi rin ni Speaker Romualdez na bumuo ang Kamara ng joint panel na binubuo ng limang komite upang tutukan ang paglaban ng mga ahensya ng gobyerno sa smuggling, hoarding, price manipulation at iba pang gawain na humahadlang sa malayang kalakalan.

Iginiit pa ng mambabatas na babantayan ng joint panel ang pagpapatupad ng bagong nilagdaang Republic Act No. 12022, o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Ayon kay Speaker Romualdez, pangunahing layunin ng batas na ito ay gawing mas abot-kaya ang presyo ng pagkain at maiangat ang buhay ng mga magsasaka.