Suarez Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez

PBBM tama sa pagpapasara ng mga POGO – DS Suarez

47 Views
PO
Source: Presidential Anti-Organized Crime Commission FB

TAMA ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipasara ang mga Philippine offshore gaming operator (POGO), na nauugnay sa mga sindikato ng iligal na droga at mga kaso ng extrajudicial killings (EJK), na nagsisilbing banta sa seguridad at kapayapaan ng bansa, ayon kay Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez.

“President Marcos was absolutely correct in his call to shut down POGOs. Nakita naman natin sa ating mga Quad Committee hearings na hindi lamang ito tungkol sa sugal, linked din ito sa iligal na droga at EJKs. Hindi ito simpleng problema: this is organized crime, and we must put an end to it,” ani Suarez.

Sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes, lumalabas umano na mayroong isang malawak na sindikato na diumano’y pinamumunuan ng dating presidential adviser ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na si Michael Yang, katuwang ang negosyanteng si Allan Lim.

Ang sindikatong ito ay sangkot sa iba’t ibang kriminal na gawain — mula sa pagpupuslit ng droga, money laundering hanggang sa pagpapatakbo ng mga iligal na POGO — na isinasagawa kasabwat ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Sa pagdinig, kapwa iprinesinta nina Suarez at Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang isang detalyadong matrix na nagpapakita kung paano pinamunuan nina Yang at Lim, kasama ang kanilang mga kapwa Chinese, ang nasa likod ng isang malawak na criminal network.

Dagdag pa ni Suarez, natuklasan sa mga pagdinig ang mas malalim na ugnayan ng operasyon ng POGO sa mga kriminal na gawain, na nasa likod ng lehitimong gaming operations — talamak ang mga iligal na aktibidad gaya ng human trafficking, money laundering at mga krimeng may kinalaman sa droga.

“Hindi lang POGO ang problema dito. The evidence presented during the Quad Comm hearings show that drug syndicates are using these platforms as a front for their illegal trade. Nakakatakot na hindi lang sugal ang pinag-uusapan natin dito, kundi ang buhay ng ating mga kababayan,” ayon pa sa mambabatas mula sa Quezon.

Ipinunto rin ng mambabatas ang nakakabahalang pagdami ng mga EJK na konektado sa iligal na industriya ng POGO.

“We cannot ignore the growing violence surrounding POGO activities. People are being killed, and these deaths are directly linked to the criminal syndicates operating behind the scenes. Kailangan natin itong sugpuin nang mabilis,” ayon kay Suarez.

Binanggit pa niya na kahit na may mga hakbang nang isinasagawa ang gobyerno upang ipasara ang mga operasyon ng POGO, hindi dapat huminto ang laban sa mga iligal na aktibidad na ito.

“POGOs are just one part of a larger problem. We need to dismantle the entire network of syndicates using these platforms as a cover for their illicit operations. I fully support President Marcos in his commitment to cleaning up these industries,” dagdag pa ni Suarez.

“Dapat din nating papanagutin ang mga politikal na personalidad na sumuporta at nagpadrino sa mga POGOs na ito. They should be held accountable, especially if their participation entailed violating the law or circumventing our statutes,” saad pa nito.

Nanawagan rin si Suarez para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at mga reporma sa polisiya upang mapigilan ang pagbabalik ng mga ganitong uri ng operasyon sa hinaharap.

“We cannot allow this to happen again. We need stricter laws, better enforcement and more cooperation between our agencies to ensure that the Philippines does not become a haven for criminals,” ayon pa rito.

Pinasalamatan din ni Suarez ang isinasagawang imbestigasyon ng quad comm, na may malaking bahagi sa pagtuklas ng lalim ng problema.

“Maraming salamat sa ating mga kasamahan sa Kongreso na patuloy na naghahanap ng katotohanan. We need to remain vigilant and continue this fight until we eliminate every trace of these operations,” saad pa ni Suarez.