Calendar
PH nakikipag-ugnayan sa MOEL matapos ang pagtakas ng 2 caregiver
MINOMONITOR ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pakikipag-ugnayan sa katapat nitong ahensya sa Korea ang anim na buwang pilot program para sa mga Pinoy caregiver sa South Korea.
Ito ay makaraang dalawang Pinoy caregiver ang tumakas sa unang buwan ng kanilang pagtatrabaho.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo na nakikipag-ugnayan na sila sa Korean Ministry of Employment and Labor (MOEL) upang tugunan ang mga isyu at alalahanin na lumitaw sa unang yugto ng programa para sa mga Pilipinong tagapag-alaga.
“It’s a pilot program and we expect certain challenges, issues, and problems along the way, which are now being carefully addressed by both sides. ‘Yun ang kagandahan ng longstanding bilateral labor relationship between Korea and the Philippines. We are equipped to address these issues and concerns as we have for the last 20 years from the Employment Permit System,” saad ni Cacdac.
Sinabi ng Kalihim na ang pagkawala at hinihinalang pagtakas ng dalawang caregiver ay isolated case at hindi makaaapekto sa kabuuang programa.
Tiniyak din ni Cacdac na nakikipag-ugnayan ang kanilang Migrant Workers Office (MWO) sa Seoul sa Embahada ng Pilipinas upang magbigay ng legal na tulong at iba pang uri ng suporta sa dalawang Pinoy caregiver na ngayon ay nasa pangangalaga ng Busan Immigration para sa imbestigasyon.
Sinabi ni Cacdac na gagawa ang DMW ng mga kaukulang pagbabago upang mas mabigyang kaalaman ang mga caregiver bago sila umalis, partikular sa pag-unawa sa mga implikasyon ng paglabag sa mga batas ng imigrasyon sa Korea.
Gayundin, upang matiyak na ang mga Pinoy caregiver ay sapat na handa bago ang deployment.
Samantala, pinaaalalahanan ng Kalihim ang mga Pinoy caregiver na ipinadala sa ilalim ng pilot program na patuloy na tuparin ang kanilang mga obligasyon na nakasaad sa kanilang mga kontrata sa trabaho at sundin ang mga batas at regulasyon sa paggawa ng gobyerno ng Korea.
Ang Caregiver Pilot Program, na isang ganap na naiibang programa mula sa tradisyunal na Employment Permit System (EPS), ay nagpadala ng unang batch ng 100 Pilipinong tagapag-alaga noong Agosto 6, 2024, sa pamamagitan ng isang government-to-government na kasunduan na may aktibong mga kontrata sa loob ng anim na buwan.