Romero

Dagdag na trabaho para sa mga “jobless” Pinoy ikinagalak

Mar Rodriguez Oct 11, 2024
56 Views

BILANG chairperson ng House Committee on Poverty Alleviation ikinagalak ni 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang ginawang panghihikayat ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa mga foreign investors para maglagak ng kanilang puhunan at negosyo sa Pilipinas na inaasahang magre-resulta sa pagkakaroon ng dagdag na trabaho para sa maraming Pilipinong walang trabaho.

Ang ibinigay na pahayag ni Romero ay patungkol sa ginawang panghihikayat ni Pangulong Marcos, Jr. sa mga mamumuhunan na dumalo sa ginanap na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Business and Investment Summit sa Laos matapos ibida ni PBBM ang Pilipinas sa harap ng napakaraming dayuhang negosyante.

Dahil dito, optimistiko si Romero na magkakaroon ng positibong resulta ang mga naging pahayay ng Punong Ehekutibo sapagkat napaka-estratehiko ang posisyon ng Pilipinas bilang lumalagong ekonomiya sa Southeast Asia na nagbibigay ng iba’t-ibang oportunidad at magandang pagkakataon upang makapaglagak ng negosyo at pamumuhunan sa bansa tulad rin ng sinabi ni Pangulong Marcos, Jr. sa harap ng mga foreign investors.

Sabi ng kongresista, napakalaki na aniya ang ini-musad ng Pilipinas sa larangan ng pagne-negosyo. Malayong-malayo sa dati nitong kalagayan, kung saan natatakot o nangangamba ang mga dayuhang negosyante na magtayo ng kani-kanilang negosyo sa bansa. Habang ngayon ay bukas na bukas ang lahat ng oportunidad.

Ang ilan sa mga binabanggit ni Romero na lugar na maaaring paglagakan na ngayon ng negosyo ng walang magiging pangamba o takot ay ang rehiyon ng Mindanao kung saan naibalik na ang peace and order sa naturang lugar.

Dahil dito, ipinahayag pa ni Romero na ang pagkakaroon ng iba’t-ibang negosyo sa Pilipinas batay sa panghihikayat ng Pangulo ay inaasahang magdudulot din ng magandang epekto para sa maraming Pilipino na walang trabaho lalo na ang mga mahihirap na mamamayan na walang maayos na trabaho.

Ganito rin ang sinabi ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na ang pagdami ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa ay makakalikha ng dagdag na mapapasukang trabaho na mayroong disenteng pasuweldo, magbubukas ng oportunidad para sa mga lokal na negosyo at dagdag na kita para sa pagpapatupad ng mga programa sa edukasyon, imprastraktura, agrikultura at iba pa.