Calendar
Problema ng mga OFWs sa balikbayan boxes tutugunan ng OFW Party List
BINIGYANG DIIN ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino na sinisikap nilang tugunan ang napaka-tagal ng problema ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) patungkol sa issue ng pagkakantala ng kanilang mga balikbayan boxes.
Ayon kay Magsino, matagal na umanong kinakaharap ng mga OFWs ang naturang problema mula sa pagkakabinbin ng kanilang mga ipinapadalang balikbayan boxes na umaabot sa pagkakasira at pagkawala ng mga laman nito.
Pagdidiin ni Magsino na ang mga ipinapadalang balikbayan boxes ng mga OFWs ay simbolo aniya ng kanilang mga pagsisikap at sakripisyo para sa kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas kung kaya’t napakahalaga na magkaroon ng agarang solusyon ang napakatagal ng problema sa mga balikbayan boxes.
Gayunman, tiniyak ng OFW Party List Lady solon na gumagawa na siya ng mga konkretong hakbang upang mabigyan ng kaukulang aksiyon at solusyon ang naturang isyu na matagal ng nagpapahirap sa mga OFWs.
“Noong Oktubre 2022 pa. Naghain na kami ng House Resolution No. 499 na humihikayat sa naaangkop na Komite sa House of Representatives upang magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa mga mapanlinlang na gawain ng mga pekeng international freight forwarders at kanilang mga lokal na kasabwat,” ayon kay Magsino.
Sabi pa ni Magsino na ang mga pekeng fowarders na ito ay matagal na aniyang nanloloko ng mga OFWs sa pamamagitan ng pag-abandona ng mga padala o hindi maayos na paghahatid ng mga ipinapadala nilang balikbayan boxes.
Ayon pa sa kongresista, upang matugunan ng napakatagal ng problemang ito. Nakipag-ugnauan na siya sa Bureau of Customs (BOC). Kung saan, kasalukuyan ng ipinapatupad ang ilang reporma kabilang na dito ang pagbabago mula sa 100% intrusive inspection ng mga balikbayan boxes.
“Ipinaglaban natin na ang balikbayan boxes ay dumaan na lang sa scanning ng K9 inspection imbes sa buong manual inspection,” sabi pa ni Magsino.