Calendar
MSMEs ng mga dayuhang negosyante di maaagrabyado
KAHIT pinayagan nang makapasok ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa, siguradong may sapat pa ring proteksyon ang mga nasa micro, small, and medium-sized enterprises (MSMEs) mula sa gobyerno upang mapanatiling matatag ang sektor na ito.
Ito ang tinitiyak ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at kanyang ka-tandem na si vice presidentiable Vicente ‘Tito’ Sotto III na kasama sa bumuo ng Republic Act 11647 bilang pag-amyenda sa RA 7042 o Foreign Investments Act of 1991.
“Pinasa namin ‘yung Foreign Direct Investment Act pero merong probisyon doon pinoproteksyunan natin ‘yung micro at saka ‘yung small (businesses),” pahayag ni Lacson sa ginanap na town hall meeting sa Zamboanga City, Miyerkules ng umaga.
“May threshold diyan, hindi pwedeng pasukin ng foreign direct investment o mga foreign investors (ang ilang mga industriya kung) maaapektuhan ‘yung ating mga maliliit na negosyo—tinatawag nating micro at saka small,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Lacson ang posisyong ito sa paglalayong pasiglahing muli ang sektor ng MSME na kabilang sa mga matinding tinamaan noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic sa bansa.
“Gusto ko lang liwanagin kasi baka sabihin nila e bakit ‘yung Kongreso binayaan nilang mamatay ‘yung ating mga MSME. Hindi po, pinoproteksyunan natin (ang MSMEs) sa ilalim ng batas…,” ayon kay Lacson.
“So, may proteksyon ‘yung ating mga MS—‘yung micro and small. Kaya ‘yung ating (mga kababayan na) may maliit na negosyo, ‘wag kayong mag-alala, hindi kayo tatamaan ng batas na ‘yon,” saad pa ng presidential candidate.
Dagdag naman ni Sotto na kasalukuyang Senate President, siniguro nila sa Senado na hindi napapabayaan ang pag-aari ng mga Pilipino sa mga batas na kanilang ipinasa, kabilang na ang RA 11659 o ang Public Service Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.
Sa ilalim ng Foreign Investment Act, pinahihintulutan na ang mga kwalipikadong dayuhan na magbukas ng negosyo o mamuhunan sa mga lokal na negosyo nang hanggang sa 100 porsyento ng kapital nito. Habang ang Public Service Act naman ay nagpapahintulot sa hanggang 100 porsyentong foreign ownership sa mga industriya ng telecommunications, railways, subways at airlines.
Naitanong kina Lacson at Sotto ng ilang kabataang dumalo sa public forum ang paksang ito upang malaman din ang kanilang kongkretong plano para sa paglikha ng mga trabaho sa bansa sa tulong ng mga dayuhang mamumuhunan.
Inilahad ni Sotto ang dalawang nasabing batas ngunit, aniya, nararapat lamang umano na ang mga nakakaunawa sa mga batas na ito ang siyang iluklok ng mga Pilipino para maging mas maayos ang implementasyon at maramdaman ng mga sektor na dapat matulungan nito.
“Hindi na kailangang galawin ang Konstitusyon, maipatupad lang nang tama itong bagong batas na ito, magkakaroon na po ng pagkakataon ang mgainvestments dito sa atin para lumaganap,” ani Sotto.