Pamamahagi ng BPSF ng tulong para sa 15,000 mahihirap na mamamayan. Ikinagalak ng House Committee on Poverty Alleviation

Mar Rodriguez Oct 14, 2024
51 Views

BILANG Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation. Nagpahayag ng kagalakan si 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., patungkol sa natagumpay na pamamahagi ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ng tinatayang nasa P75 milyong halaga ng tulong para sa 15,000 mahihirap o maralitang mamamayan.

Ayon kay Romero, hindi maikakaila na napakalaking tulong ang naibibigay ng BPSF para sa libo-libong mahihirap na mamamayang Pilipino upang maibsan kahit papaano ang krisis na kasalukuyan nilang pinagdadaanan.

Dahil dito, sabi ng Chairman ng Committee on Poverty Alleviation na hindi lamang ang mga mahihirap na mamamayan ang natutulungan ng BPSF. Bagkos, ang lahat ng sektor sa bansa na iginagapang ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan bunsod ng kahirapang nararanasan nila o hindi sapat ang kanilang kinikita.

Paliwanag ni Romero na dahil sa magandang programa na ginagawa ng BPSF. Nakapag-hatid ito ng P10 bilyong halaga ng cash assistance at serbisyo na mula sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno para matulungan ang nasa 2.5 milyong pamilya.

Pinapurihan ni Romero si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa paglulunsad nito ng BPSF Serbisyo Caravan na ang pangunahing layunin ay matulungan ang napakaraming mahihirap na pamilyang Pilipino kasama na dito ang mga mamamayang walang maayos na trabaho at pinagkakakitaan.

Nauna rito, sinabi ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na mahigit 15,000 benepisyaryo mula sa industriya ng paglikha ang nabiyayaan ng cash assistance at iba pang serbisyo ng BPSF sa dalawang araw na Serbisyo Caravan na may paksang “Paglinang sa Industriya ng Paglikha” na sinimulan sa PhilSports Arena (ULTRA) sa Pasig City.

Ayon kay Romualdez, layunin ng naturang programa na matulungan ang mga propesyunal sa iba’t-ibang sektor kabilang na dito ang pelikula, telebisyon, teatro at radyo. Kung saan, nakapaghatid ang BPSF ng P10 bilyong halaga ng cash assistance at serbisyo mula sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.