Fernandez Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez

Ebidensya ng Quad Comm vs Bato, Bong Go di kayang masira ng pagtanggi

76 Views
Barbers
Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers

HINDI umano magigiba ng simpleng pagtanggi nina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Christopher “Bong” Go ang mga ebidensyang lumutang sa pagdinig ng House quad committee na nagkaroon ng reward system sa pagpapatupad ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaya marami ang naging biktima ng extrajudicial killings (EJK).

Ito ang binigyang diin nina Reps. Dan Fernandez ng Sta. Rosa City, Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte at Bienvenido Abante Jr. ng Maynila, ang mga pangunahing pinuno ng quad committee ng Kamara de Representantes.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng panel ang mga isyu kaugnay ng mga EJK, ilegal na Philippine offshore gaming operators (POGO) at kalakalan ng droga.

“The evidence so far unearthed in the Quad Comm belies Senators Bato’s and Bong Go’s denials of EJK involvement and existence of the reward system that was public knowledge during the previous administration, particularly in the Philippine National Police (PNP),” ayon kay Fernandez, chair ng House committee on public order and safety.

Sinabi pa ni Fernandez na dalawang testigo — sina dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si ret. PCol. Royina Garma at PNP Lt. Col. Jovie Espenido — ang nagsabi na umiiral ang pagbibigay ng pabuya sa mga hitman na pumapatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.

“Not only did it exist; it was managed by higher-ups, meaning by Malacañang,” ayon kay Fernandez, sa mga naganap umano noong nakaraang administrasyon.

Binanggit naman ni Barbers, overall chairperson ng quad comm at chairman ng House committee on dangerous drugs, ang testimonya ni Espenido na milyun-milyon at maaaring bilyun-bilyong pabuya ang nagmula sa level ni Sen. Bong Go, ang malapit na aide ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Ayon kay Barbers, base na rin sa testimonya ni Espenido, ang pondo para sa reward system ay galing sa jueteng at iba pang ilegal na sugal, intelligence funds, operasyon ng small town lottery (STL) ng PCSO at mga POGO.

“Our impression is that the intelligence funds came from the Office of the President and the PNP. When these funds are audited, we will find out who is telling the truth or lying: Sen. Bato and Sen. Bong Go, or Garma and Espenido,” saad ni Barbers.

Ayon pa kay Barbers, mas pinaniniwalaan niya ang dalawang testigo kaysa sa pagtanggi nina Dela Rosa at Go.

Sa kaso ng pondo mula sa POGO, jueteng at mga operator ng STL, binigyan-diin ni Abante, co-chair at pinuno ng House committee on human rights, na dumaloy ang mga pondo mula sa itaas.

Binanggit ni Abante na ang mga testimonya ay nagpapatunay na noong 2016 ay gumawa ng plano para maipatupad ang “Davao model,” o ang disenyo ng kampanya laban sa ilegal na droga na ipinatupad ni Duterte sa Davao City noong ito ang alkalde ng lungsod.

Nagkita-kita rin umano si Duterte at ang senior officials ng PNP noon sa gusali ng DPWH sa Davao City.

“The Davao City EJK template and reward system was discussed during the meeting. A few weeks later, the assassination of drug suspects in police operations and by riding-in-tandem hired guns started. It is not difficult to connect the dots,” giit ni Abante.