Edd Reyes

Valenzuela may mga baongm mukha sa pulitika

Edd Reyes Oct 16, 2024
62 Views

SUMABAK na rin sa pulitika ang pangalawa sa pinakamatanda sa magkakapatid na Gatchalian na si Kenneth na tatakbo bilang kongresista sa Unang Distrito ng Lungsod ng Valenzuela.

Siyempre, marami ang nasorpresa sa biglang paghahain ng kanyang kandidatura ni Kenneth na sa edad na 48 ay lumikha na ng pangalan sa mundo ng pagnenegosyo matapos matalaga bilang isa sa mga board of director ng isa sa pinakamalaking kompanya ng pagnenegosyo sa bansa.

Sa husay at galing ni Kenneth sa larangan ng pagnenegosyo, hindi malayong makuha niya ang mayorya ng boto ng mga taga-Distrito 1 ng Lungsod ng Valenzuela bilang kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil magagamit niya ang talino sa paglikha ng mga batas na makakatulong sa kapakanan ng kanyang mga kababayan.

Sakaling magwagi, si Kenneth ang papalit sa binakanteng puwesto ng nakababatang kapatid na si Secretary Rex Gatchalian, na itinalaga bilang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. habang nagsilbi namang caretaker muna ng District 1 ng lungsod si Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga.

Malaking tulong din tiyak ang maia-ambag ni Kenneth sa mga magagandang proyekto ng nakababatang kapatid na si Mayor Wes Gatchalian lalu na’t napakaraming nakalatag na programa at proyektong pang-imprastraktura ang alkalde na kasalukuyang isinasakatuparan.

Ang isa pa nga pala na sasabak na rin sa pulitika sa lungsod sa unang pagkakataon ay ang maybahay ni Valenzuela 2nd District Rep. Eric Martinez na si Dra. Katherine na tinaguriang “Doktora ng Masa” dahil tapos na ang termino ng kanyang mister.

Dahil isang doktora, tiyak na itututok ni Dra. Kat ang paglikha ng mga batas na may kaugnayan sa pangangailangan ng repormang pangkalusugan at kahit bagito lang sa pulitika, tiyak namang magagabayan siya ng mister na beterano na sa larangan ng pulitika sa Valenzuela.

Sabi pa niya, kung nakapagpagawa ng world class na pasilidad na pampalakasan ang kanyang mister, world class na ospital naman na magkakaloob ng mataas na kalidad ng serbisyong pangkalusugan ang kanyang target.

Bukod sa dalawa, ilang mga bagong mukha rin ang tatakbong konsehal na kasapi ng Red Team ni Mayor WES kabilang ang isang dating kagawad ng barangay, dating SK Federation president at abogado.

P/Col. Ruben Lacuesta, bagong Police Provincial Director ng Quezon Province

NAIS nating ipaabot ang pagbati kay dating Caloocan City Chief of Police P/Col. Ruben Lacuesta na uupo bilang Police Provincial Office (PPO) Director sa lalawigan ng Quezon.

Pamumunuan ni Col. Lacuesta ang puwersa ng kapulisan sa isa sa pinakamalaking lalawigan ng bansa na nasa ilalim na pamumuno ng kauna-unahang babaeng gobernador na si Gov. Dra. Angelina “Helen” Tan, na nasa likod ng bantog na tangerine chocolate na kinahuhumalingan ng mga lokal at banyagang turistang nagtutungo sa lalawigan.

Tiyak na dadalhin ni Col. Lacuesta ang paraan ng maayos at epektibo niyang pamumuno na ginawa sa loob ng dalawang taon sa Caloocan City na nagresulta upang masungkit ang Best Police Station at tatlong parangal mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) kabilang ang Most Number of Arrested Persons, Most Number of Confiscated Firearms, at Best in Anti-Illegal Gambling Operations.

Hindi lang ito ang mga natanggap ng parangal ng Caloocan Police Station sa pamumuno ni Col. Lacuesta kundi marami pa kaya tiyak na malaki ang kanyang maia-ambag upang lalu pang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa lalawigan ng Quezon.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].