Louis Biraogo

Si BBM ang manok ni Pangulo

519 Views
BBM
Si UniTeam presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. habang mainit na tinatanggap ng mahigit 100,000 supporters sa UniTeam grand rally sa Davao del Sur.
Kuha ni VER NOVENO

NAPANOOD natin sa telebisyon si Secretary Jacinto Paras, ang sekretarya ng gabinete na tagapayo ng presidente sa larangan ng pulitika, na ipinarating kay Presidente Rodrigo Duterte sa isang panayam na ayon sa kanyang pagsusuri ay si dating Senador Bong Bong Marcos (BBM) ang karapat-dapat niyang mamanukin sa dadating na halalan ng 2022.

Ang pangunahing dahilan na binanggit ni Paras ay upang maiwasan ni Duterte ang mga kasong panliligalig galing sa mapaghiganting mga kalaban sa pulitika. Papasok sa isipan ng nakakarami ang mga kasong inihain sa International Court of Justice (ICC) laban kay Duterte hinggil sa programang giyera laban sa droga nito.

Kailangan maintindihan ng lahat na ang tinukoy lamang ni Paras ay ang mga kasong panliligalig, mga kasong pang-aasar o pangbubuwisit. Pero kahit na, ang mga kasong ito’y dapat ding iwasan dahil wala namang katuturan.

Ang mga lehitimong ligal na pananagutan ng Pangulo ay hindi nabanggit ni Paras. Tiyak alam ni Paras na maingat si Duterte sa mga gawaing maaaring humantong sa ligal na pananagutan dahil naging Piskal ito bago pumasok sa pulitika ng Davao City.

At wala ding sinabi si Paras na hindi kayang harapin ni Pangulong Duterte ang mga kasong pangligalig, manggagaling man sa loob o labas ng Pilipinas.

Kahit nabanggit ni Paras na may kakayahang mamuno si BBM bilang Pangulo, merong mga hindi nabigyang ng halaga ng mga tagapakinayam na mga dahilan bakit si BBM ang dapat maging pambato ni Pangulong Duterte sa darating na halalan.

Si BBM ang nag-iisa sa mga kandidato na maaaring magpatuloy ng mga nasimulang programa sa pamamahala ni Duterte. Hindi lamang dahil may kakayahan si BBM, kundi dahil siya lang ang nag-iisang kandidato sa pagkapangulo na hindi bumatikos kay Duterte. Ibig sabihin, pinahahalagahan ni BBM hindi lamang ang pagkatao ni Duterte, pati na rin ang mga nagawang kabutihan nito sa loob ng anim na maikling panahong panunungkulan nito bilang pangulo.

At ayon na rin sa mga binitawang salita ni BBM sa madla, ipagpatuloy nga niya ang mga patakaran at programa ni Duterte. Ang mga patakaran at programa ni Duterte ay lubos ikinasasaya ng mga Pilipino, kaya nga napakataas pa rin ang pagsang-ayon ng madla kay Duterte kahit na ito’y patapos na sa panunungkulan bilang Pangulo dahil kitang-kita ang kabutihang naidudulot sa lahat.

Imposible na ang kandidato ng pinklawan, o ang nakamaskarang dilawan, na si Leni Robredo ang magpapatuloy ng gayong mga programa ni Duterte na ikinagagalak ng madla. Hindi ba na sa loob ng anim na taon na panungkulan ni Robredo bilang Pangalawang Pangulo, wala na itong ginawa kundi siraan, maliitin, batikusin at punahin ang mga patakaran at programa ni Duterte? Hindi ba ang layunin ng mga pinklawan na wakasan na ang gayong mga patakaran at programa ni Duterte? Hindi ba na ang ganitong layunin ang dahilan kung bakit nanatiling kampeyon ng mga anti-Duterte si Robredo?

Ngayon, tatalikuran ba ni Robredo ang kanyang mga pinklawan na tagasunod pagkatapos ng halalan? Hindi! Bagkos, agad-agad ibabasura ni Robredo ang magagandang patakaran at programa ni Duterte pagkatapos na pagkatapos siyang papalarin sa halalan upang sumiklab sa kasiyahan ang mundo ng pinklawan. Jusko, huwag naman!

Ang mga patakaran at programa na sinimulan na ni Duterte ay dapat hindi magtatapos sa panunungkulan ni BBM. Maaari ding ipagpatuloy ang gayong mga patakaran at programa ni Sara Duterte, na kandidato sa pagka bise-presidente at ka-tandem ni BBM, kung ito naman ay pagpalain na magiging Pangulo pagkatapos ng panunungkulan ni BBM.

Ngunit, mangyayari lamang ito sa kapasyahan ng taumbayan na sila’ng pumipili ng kanilang Pangulo sa isang halalan.

Yun namang ibang mga kandidato ay hindi maganda ang pag-asang hinaharap sa halalan, ayon sa mga pananaliksik sa pulso ng mga botante (voters’ preference survey). Gayunpaman, hindi din sang-ayon ang mga ito sa patakaran at programa ni Pangulong Duterte at tiyak ibabasura din nila ang mga patakaran at programang nasimulan ni Duterte kung sila ang magtagumpay.

Kaya, nakikita ko na magiging pambato ni Pangulong Duterte si BBM sa kalaunan. Si BBM ang magiging manok ni Duterte hindi lamang dahil siya lang ang tanging magtatanggol sa kanya laban sa mga kasong pangliligalig na maaaring isampa pagkatapos ng kanyang panunungkulan; hindi lamang dahil ka-tandem ni BBM ang anak niyang si Sara; hindi lamang dahil nangunguna si BBM sa mga ginagawang pananaliksik sa pulso ng mga botante; kung hindi, dahil si BBM lang ang may lawak ng pag-iisip at kakayahan na ipagpatuloy ang patakaran at programang nakakapagsilbi ng lubos sa taumbayan.

Kung gayon, si BBM na ang manok ni Duterte.