Calendar
VP Sara itinuro ng ex-opisyal ng DepEd na may kontrol sa confi funds ng tanggapan
ITINURO ni dating Department of Education (DepEd) undersecretary, chief of staff at spokesperson Michael Poa si Vice President Sara Duterte na siyang may kontrol sa confidential fund ng DepEd noong ito pa ang kalihim ng ahensya.
Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, tinanong si Poa kaugnay ng confidential fund ng DepEd pero sinabi nito na siya ay walang kinalaman sa paggamit ng naturang pondo.
Si Poa ang spokesman ng Office of the Vice President (OVP) sa kasalukuyan.
Ipinaliwanag ni Poa na bagamat siya ang inatasan na tumugon sa inilabas na audit observation memorandum ng Commission on Audit (COA), wala siyang bahagi sa proseso ng pagdedesisyon kung saan ito gugugulin.
“It would probably be the Secretary or the ones responsible for the confidential funds,” ayon kay Poa, bilang tugon sa tanong ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores.
“The Secretary and the SDO are the only ones that are privy,” dagdag pa niya na tumutukoy kay Duterte at kay Edward Fajarda, ang senior disbursing officer (SDO) ng DepEd.
Sa pagdinig ng komite noong Biyernes, pinuna si Poa sa ginawa nitong paggamit ng mga sertipikasyon mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang bigyang-katwiran ang paggastos ng P15 milyong confidential fund ng DepEd na inilista nito na ibinigay na reward sa mga impormante.
Ang mga sertipikasyon ay may kaugnayan sa mga Youth Leadership Summits (YLS) na isinagawa ng AFP noong 2023.
Subalit itinuro ni Flores ang hindi pagkakatugma-tugma, na binibigyang-diin na ang mga programa ng AFP ay walang direktang ugnayan sa confidential funds ng DepEd.
“You are using certifications from another agency, which didn’t spend a peso from your office, to justify your expenses. It’s confusing,” ayon kay Flores.
Inamin ni Poa na hindi niya alam na ang mga aktibidad ng AFP ay walang kaugnayan sa confidential funds ng DepEd nang kanyang isumite ang mga dokumento sa COA.
Nilinaw niya na ang mga sertipikasyon ay layunin sanang ipakita na nagbigay ang DepEd ng impormasyon sa AFP tungkol sa mga lugar na nangangailangan ng mga seminar, ngunit inamin niyang hindi ito malinaw na nakaugnay sa paggastos ng DepEd.
“It all boils down to the fact that you are using a certification of an activity of a different agency. It’s wrong, di ba?” tanong pa ni Flores.
Inamin ni Poa ang pagkakamali, subalit sinabi nitong sinunod lang niya ang proseso batay sa mga dokumentong nasa kanya.
“I got the certifications, I got the documents evidencing payment, the DEPs, which are the acknowledgment receipts, and I submitted to COA,” paliwanag pa ni Poa.
Nang tanungin tungkol sa kung sino ang may huling pasya sa paggamit ng mga confidential funds, itinuro ni Poa si VP Duterte at si Fajarda.
Una na ring itinanggi ng lahat ng apat na opisyal ng militar na nagsagawa ng YLS ang pagtanggap ng anumang confidential/intelligence fund (CIF) mula sa DepEd, na nagsasabing ang mga gastos para sa summit ay mula sa AFP at mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa mga pahayag nina Retired Maj. Gen. Adonis Bajao, Lt. Col. Carlos Sangdaan Jr., at Colonels Manaros Boransing at Magtangol Panopio sa komite, hindi sila naabisuhan na ang mga sertipikasyong kanilang ibinigay ay ginamit upang ipaliwanag ang P15 milyong CIF na diumano’y inilalaan para sa pagbabayad sa mga “informers.”
Una ng ipinagtanngol ni VP Duterte ang paggamit ng CIF ng DepEd ay kinakailangan para sa pangangalap ng impormasyon upang maiwasan ang insurgency at extremism sa mga paaralan.
Gayunpaman, nagkaroon ng pagduda tungkol sa kung paano pinamahalaan at binigyang-katwiran ang mga pondong ito, na nagresulta sa panawagan para sa transparency.
Kinumpirma ng COA na ang P15 milyon na ibinayad daw sa mga impormante ay bahagi ng P75 milyong halaga ng confidential fund ng DepEd.
Naglabas ang COA ng notice of disallowance upang humingi ng mga karagdagang dokumento para patunayan ang ginawang paggastos ng pondo.