Calendar
Ping sa DOH: Paratingin mga gamot sa malalayong lugar, ‘wag hayaang mabulok sa bodega
MALAKING hamon pa rin sa mga barangay, lalo na ang mga nasa malalayong probinsya, ang kakulangan sa supply ng gamot, maintenance drugs para sa mga senior citizen, at iba pang pangangailangang medikal na hindi nakakaabot sa kanilang lugar ngunit nabubulok naman sa mga bodega ng pamahalaan.
Ayon kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson, matagal na niyang sinasabi sa Department of Health (DOH) sa mga naging pagdinig sa Senado ang isyu ng nasasayang na gamot, lalo pa’t naipasa na Universal Health Care Law (UHCL) pero hindi naman nararamdaman ng mga nasa kanayunan.
Idinulog din ang problemang ito sa pagdalaw ni Lacson sa Zamboanga City nitong Miyerkules, kasama ng kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at mga senatorial candidate nila na sina Dra. Minguita Padilla at dating Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol.
“Matagal na naming hinahanap ni Senate President [kung] saan nakalibing ‘yung mga gamot na nag-expire [at] hindi nakarating sa mga barangay na dapat pinapakinabangan ng barangay. Bakit malapit nang mag-expire ang binibili? Mura. Pero ang nasa budget, regular na dapat matagal pa ‘yung expiry date,” ani Lacson.
Apela ni Lacson, kung silang dalawa ni Sotto ang magiging susunod na pinuno ng ehekutibong sangay ng pamahalaan na may kapangyarihang magpatupad ng mga batas, siguradong maayos na maisasakatuparan ang UHCL dahil kasama sila sa nagsulong at bumalangkas nito sa Senado.
“Magkano ang kailangan para sa high-cost ng Universal Health Care Act? P257-billion. Hindi napopondohan. Hindi namin alam sa Senado [at] sa Kongreso kung bakit. Kung kami ang mag-i-implement, kasi kami ang nagpasa ng batas… Ma-a-appreciate namin na dapat i-implementa,” aniya.
Sinabi rin ng public health advocate na si Dra. Padilla na kung mauupo siya bilang senador, matapos ang 2022 national elections sa Mayo 9, ay tututukan niya sa Senado ang isyung ito na taun-taon nang pinupuna ng Commission on Audit (COA).
“Bakit ang daming nabubulok sa warehouse pero walang nakakaabot sa barangay? E dapat ‘yung universal healthcare libre ang maintenance medicinesa barangay. So, paano aabot ‘yon? Kasi hindi pa inaasikaso ng DOH ‘yung tinatawag na supply chain management. Ilang beses nang sinasabi sa kanila. Simple lang—imbentaryo,” sabi ng senatorial aspirant.
Iginiit ni Dra. Padilla ang kahalagahan ng supply chain management at pagbili ng DOH sa tamang bilang at presyo ng gamot upang makarating ito at mapakinabangan, lalo na ng mga mahihirap na Pilipino na nasa malalayong barangay.
“Isa ho ‘yon sa mga tututukan namin para finally matapos na ‘yung problemang ‘yon na walang gamot sa barangay,” saad ni Dra. Padilla.
Kung tamang tao ang mamamahala sa budget ng bansa, ayon kina Lacson at Sotto, hindi magkakaroon ng sayang sa pondo ng bayan. Sa tantiya pa ng vice presidential candidate, pwede ring ilibre ang lahat ng mga gamot, hindi lang ng mga senior citizen ngunit maging ng mga kabataan at may mga mental health problem.