Fake Ang mga nasakoteng suspek.

3 pekeng ahente ng NBI nahaharap sa patung-patong na kaso

Edd Reyes Oct 21, 2024
45 Views

PATUNG-patong na kaso ang isasampa ng pulisya sa tatlong impostor na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na sangkot sa pangingikil sa mga establisimyento sa Paranaque City noong Sabado.

Pawang nahaharap sa mga kasong robbery, extortion, usurpation of authority, malicious mischief, grave threat at falsification of documents sa Paranaque City Prosecutor’s Office sina alyas Bernard, 24, alyas Lenon, 29, at alyas John na dinakip ng pulisya matapos magpanggap na mga NBI agents.

Dakong alas-3:00 ng madaling araw ng pasukin ng tatlo ang isang food store sa Aseana I Bldg. sa Block 2 E Cuenco, Brgy Tambo na may dalang pekeng search warrant at tinakot ang kaherang si alyas Shanine matapos akusahang ilegal na nagbebenta ng mga produktong tobacco.

Hiningan ng P100,000 ng tatlo ang may-ari ng establisimiento at winasak ang mga nakakabit na CCTV camera sa lugar na dahilan para makatawag pansin sa mga security personnel ng Aseana City na nagresponde sa lugar.

Nang maberipika ng hindi mga tunay na ahente ng NBI ang tatlo, humingi ng tulong sa Tambo Police Sub-Station ang mga security personnel na naging dahilan ng pagkakadakip sa mga suspek.

Kinumpirma ni Atty. Joseph Eufemio Martinez, supervising agent ng NBI-National Capital Region (NCR), na hindi NBI agents ang mga suspek na inireklamo na rin ng may-ari ng isang spa ng pangingikil noong nakaraang buwan.