Calendar
De Lima: Duterte posibleng kasuhan ng crimes vs humanity kaugnay ng war on drugs
MAAARING maharap si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng extrajudicial killings (EJK) sa pagpapatupad ng war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.
Sa pagharap ni dating Sen. Leila de Lima sa ikasiyam na pagdinig ng House Quad Committee ngayong Martes, tinukoy ni De Lima ang Republic Act (RA) 9851, isang batas na napagtibay noong 2009 na nagbigay ng kahulugan upang maparusahan ang crimes against international humanitarian law, genocide, at iba pang crimes against humanity.
Ayon kay De Lima ang RA 9851 ay isinabatas dalawang taon bago lumagda ang Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC), na sakop ang sistematikong pamamaslang sa ilalim ng drug war.
“The crime of EJKs carried out by state security forces and their agents in the implementation of the war on drugs falls under the general category of ‘other crimes against humanity’ under Section 6, which consists of acts ‘committed as part of a widespread or systematic attack directed against any civilian population, with knowledge of the attack,’” sabi ni De Lima na tinutukoy ang probisyon ng batas “These acts include willful killing, extermination, torture, and enforced disappearance, among others.”
Giit pa niya na sa ilalim ng RA 9851 ang mga krimen na ito ay non-bailable o walang piyansa at maaaring patawan ng parusang reclusion perpetua, o habang buhay na pagkakakulong.
Ayon sa dating senador pinapanagot ng batas hindi lamang ang mga direktang responsable sa krimen kundi maging ang mga nasa posisyon na nag-utos para sa naturang krimen.
“According to Section 8, a person who orders, solicits or merely induces the systematic attack on the civilian population and which thereafter occurs or is attempted is liable as a principal,” paliwanag ni De Lima
“The same applies to anyone who contributes to the commission of the crime by a group of persons acting with a common purpose,” dagdag niya.
Pagpapatuloy pa ni De Lima, mananagot din sa ilalim ng RA 9851 ang mga opisyal ng gobyerno kabilang ang lider ng estado.
“Section 9 provides that ‘official capacity as a head of state or government shall in no case exempt a person from criminal responsibility under this Act, nor shall it, in and of itself, constitute a ground for reduction of sentence,’” paglalahad ni De Lima.
Diin pa ni De Lima walang prescription ang mga krimen sa ilalim ng RA 9851, ibig sabihin, lahat ng responsable sa krimen ay maaaring habulin anomang panahon.
“The crimes defined and penalized under this Act, their prosecution, and the execution of sentences imposed on their account, shall not be subject to any prescription,” sabi niya. “Puwede po silang tugisin habambuhay.”
Sabi pa ni De Lima na bago pa man umanib ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2011 ay kinikilala na ng bansa ang otoridad ng mga international court gaya ng ICC.
“Through this law, we have recognized the jurisdiction of the ICC over crimes against humanity committed in the Philippines even before we ratified the Rome Statute as a binding treaty,” sabi pa niya.
Tinuligsa ni De lima ang desisyon ni Duterte na kumalas ang Pilipinas sa ICC noong 2018 na aniya’y para matakasan ang pananagutan sa paglabag sa karapatang pantao ang kaniyang administrasyon.
“Even before we became a member of the ICC, our law already allowed for the surrender or extradition of individuals involved in crimes against humanity to international courts like the ICC,” sabi ni De Lima
Dagdag pa niya, “To say we no longer have to cooperate with the ICC, we must first nullify this law. Until then, we are still bound by it.”
Matagal ng kritiko si De Lima ni Duterte at ng war on drugs nito na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong katao.
Noong 2017 nakulong si De Lima matapos sampahan ng mga kaso kaugnay ng bentahan ng ipinagbabawal na gamot, matapos na imbestigahan ang mga kaso ng EJK sa Senado.
Matapos ang anim na taon, napawalang sala ng mga korte si De Lima sa mga alegasyon laban sa kanya.
Sa kabila ng pagkakakulong, nagpatuloy si De Lima na labanan ang mga polisiya ni Duterte lalo na ang desisyong umalis sa ICC.