Bro. Marianito Agustin

Kasalanan ang pagiging sakim sa kayamanan

71 Views

Hindi kasalanan ang pagiging mayaman. Kundi ang pagiging sakim sa kayamanang ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos (Lucas 12:13-21)

“At sinabi ni Jesus sa kanilang lahat. Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kaniyang kayamanan”. (Lucas 12:15)

MAY ILANG tao ang nagsasabi na “money and material wealth is power” sapagkat ang mga bagay na ito ang nagpapaikot di-umano sa ating mundo. Sa pamamagitan ng pera at materyal na bagay ay kayang-kaya mong magtamo ng kapangyarihan.

Kaya naman, may mga tao din ang nagsisikap at nagkukumahog magtamo ng dalawang bagay na ito dahil para sa kanila. Kapag marami kang salapi at materyal na bagay. Mistula kang hari na dino-diyos ng mga tao. Para sa kanila, ang pagkakaroon ng limpak-limpak na salapi at mga materyal na bagay dito sa ibabaw ng mundo ay isang “achievement” o para bang isang tropeo na maipagmamalaki mo na para bang ito lamang ang pinaka-mahakaga dito sa ibabaw ng ating mundo.

Mababasa natin sa Mabuting Balita mula sa aklat ni San Lucas (Lucas 12:13-21) ang kuwento tungkol sa isang lalake na lumapit kay Jesus upang ipaki-usap na kung maaari ba nitong utusan ang kaniyang kapatid para ibigay nito ang kaniyang bahagi sa manang iniwan ng kanilang magulang. (Lucas: 12:13)

Subalit binigyang diin ng Panginoong Jesus duon sa lalake na hindi niya tungkulin o obligasyon ang maging hukom at tagapaghati ng kanilang mana matapos nitong sabihin sa taong ito na “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo”. (Lucas 12:14)

Ang paglapit ng lalake na natunghayan natin sa ating Pagbasa ay hindi upang hilingin sa ating Panginoong Jesus ang pagtatamo ng “kayamanan” sa langit” sa pamamagitan ng pagpapalago at pagpapayabong ng pananampalataya kundi ang pagkakamit ng kayamaman dito sa ibabaw ng lupa. Kaya agad na ipinaalala ni Jesus na mag-ingat sa lahat ng uri ng kasakiman.

Para sa taong ito, mas pinahahalagahan niya ang kamayaman na ibinibigay ng mundo sa halip na ang kayamanang maaari nating taglayin sa pamamagitan ng ating pananampalataya. Ito ay ang kayamanan sa langit na hinding-hindi mananakaw sa atin at hinding-hindi kailanman masisira o mabubulok.

“Huwag kayong mag-iimpok ng mga kayamanan dito sa lupa. Sapagkat dito’y may naninirang insekto at kalawang. At may nakakapasok na magnanakaw. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit. Doo’y walang naninirang insekto at kalawang. At walang nakakapasok na magnanakaw. (Mateo 6:19-20)

Marahil ay kagaya rin siya ng ilang mga tao sa ating kasalukuyang modernong panahon na ang sukatan ng buhay dito sa mundo ay nakabatay sa dami ng kayamanan at mga ari-arian ng isang tao na kapag ikaw ay mayaman. Isa kang magaling, dakila at kahanga-hangang tao na para bang ito ang humuhulma sayo bilang isang tao.

Kaya bilang tugon duon sa maling paniniwala ng lalakeng lumapit kay Jesus. Isinalaysay nito ang isang talinghaga tungkol sa isang lalakeng mayaman na ang ginamit na pamantayan ng kaniyang “achievement” at karangalan dito sa lupa ay ang napakarami niyang ari-arian. Subalit nakaligtaan naman nito ang pinaka-importanteng bagay. Ito ay ang kabutihang loob at pagkakawang gawa sa mga taong nangangailangan. (Lucas 12:16-21)

Hindi naman kasalanan ang pagiging mayaman. Sapagkat wala naman tayong mababasa sa Bibliya na pinarusahan ng Diyos ang mga mayayaman at ang mga mahihirap ay napunta sa langit. Mas gusto pa nga ng Panginoon na umunlad ang ating pamumuhay dito sa ibabaw ng lupa dahil ang mga kayamanang iyan ay galing din sa kaniya bilang tanda ng kaniyang wagas na pagmamahal sa atin. Iyan ay isang blessing mula sa Diyos kaya kailangan natin itong pagyamanin at ipamahagi sa mga kapos palad at mahihirap.

Subalit ang hindi nagugustuhan ng Panginoong Diyos ay maging sakim tayo sa mga kayamanan o blessing na ibinigay niya sa atin na kung tutuusin ay ipinagkatiwala lamang niya sa atin. Katulad ng mayamang lalake sa Ebanghelyo. Hindi siya pinarusahan dahil siya ay mayaman. Kundi dahil naging madamot siya sa biyayang ipinagkatiwala lamang sa kaniya ng Diyos na para bang ito na lamang ang mahalaga sa kaniyang buhay. (Lucas 12:17-19)

Dahil sa kaniyang kasakiman. Tiningnan niya ang kaniyang sarili bilang isang “achiever” dahil sa mga kayamanang naimpok niya dito sa lupa (material wealth) subalit nakaligtaan niya ang kayamanan sa langit sa pamagitan ng pamamahagi ng kaniyang kayamanan duon sa mga taong nagugutom, naghihirap at walang maisuot na damit.

Siya ay naging bulag, bingi at manhid sa mga taong ito.

Itinuturo ngayon sa atin ng Ebanghelyo na hindi batayan ng totoong kayaman ang lahat ng ating mga pag-aari dito sa ibabaw ng lupa. Kahit gaano pa tayo kayaman sapagkat sinabi ni Jesus sa sulat ni San Lucas na ano nga ang mapapala ng tao kung makamtan man niya ang buong daugdig kung ang mapapahamak naman ay ang kaniyang sarili. (Lucas 9:25)

Tandaan lamang sana natin na hindi “lifetime” o walang hanggan ang pananatili natin dito sa mundo dahil darating ang panahon na kakailanganin na natin humarap duon sa Diyos na nagpahiram ng ating buhay at tayo’y sasailalim sa isang “evaluation” o paghuhukom kung papaano natin ginugol ang ating buhay habang tayo ay naririto sa lupa.

Kailangan natin mag-report sa Panginoon at wala tayong maitatago o maililihim.

Hindi naman siya magtatanong nang tungkol kung gaano karami ang naipon nating pera, kung gaano karami ang ating mga ari-arian. Hindi naman siya magtatanong kung ilan ang mga sasakyan natin. Napaka-simple lamang siguro ng magiging tanong ng Diyos sa atin. Ano ang mga kabutihang ginawa natin at kung ibinahagi ba natin sa ating kapwa ang mga biyayang ipinagkatiwala at ipinagkaloob niya sa atin.

Ano kaya ang ating maisasagot kung ang mga biyaya at kayamang ipinagkatiwala niya ay sinolo lang pala natin at inaring sa atin dahil ang ating paniniwala ay bunga ito ng ating achievements noong tayo ay nasa lupa pa. Katulad din ng lalakeng mayaman sa Ebanghelyo na sinolo ang mga kayamanang pag-aari nito dahil rin sa kaniyang paniniwala na ito ay produkto ng kaniyang achievements.

Subalit ano ang sinabi sa kaniya ng Panginoong Diyos? “Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?” (Lucas 12:20) makamit man natin ang napakaraming kayamaman at materyal na bagay dito sapagkat hinding hindi natin ito pakikinabangan at madadala duon sa ating patutunguhan kahit napaka-liit na piraso ng perang pag-aari natin.

Maging napakayaman man natin dito sa ibabaw ng lupa o lumalangoy tayo sa dami ng ating kayamanan kung pagdating naman natin sa langit ay “dukha” lamang pala tayo sa Panginoong Diyos. Hindi dahil sa pagiging mayaman natin. Kundi dahil naging maramot at naging sakim tayo sa mga blessings na mayroon tayo.

Ang totoong kayaman ay ang mga kabutihang naimpok natin dito sa lupa. Duon tayo huhusgahan at hahatulan ng Panginoong Diyos kung gaano karami ang mga kabutihang nagawa natin sa ating kapwa. Iyon ang higit nating ipunin dahil ito ang totoong madadala natin duon sa ating patutunguhan. Hindi ang limpak-limpak na kayamanang ipinagdamot at sinolo lamang natin.

AMEN