Calendar
Magalong: Sa mundo ng pulitika lahat ay posibleng mangyari
SA mundo ng pulitika, lahat ay posibleng mangyari, tulad na lang ng pagkapanalo ng isang dehado o underdog sa karera ng mga kandidato, kahit pa ang tingin ng nakararami ay maikling panahon na lang ang natitira.
‘Yan ang pananaw ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa mga pinakahuling pangyayari sa Halalan 2022, partikular sa sinusuportahan niyang si presidential candidate na si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson matapos niyang humiwalay sa kanyang partido kamakailan.
Ayon kay Magalong, nangyari na sa kanya ang pinagdaraanan ni Lacson, na nakikita ng publiko na dehado kumpara sa kanyang mga katunggali dahil sa resulta ng mga survey. Pero sa kabila nito, hindi rin siya sumuko at sa huli ay nagwagi bilang alkalde noong nakaraang Halalan 2019.
“Anything can happen sa politics. ‘Yung classic case na lang ‘yung sa akin, two and a half months before the elections, I was number six. There were nine candidates, tatlo ang not serious candidates, so anim na lang and I was number five—at number five na ako, 36 points behind pa ako. That was (based on) a survey sa Pulse Asia, pero I never gave up,” saad ni Magalong sa panayam ng programang ‘Balitang Sapolitika’ ng Politiko News.
Ikinuwento pa ni Magalong na bagama’t ikinalungkot niya ang mababang ranggo sa pre-election poll, hindi niya ito ipinakita sa kanyang mga tagasuporta at gumawa siya ng pamamaraan upang patunayang hindi totoo na survey ang magdidikta sa mananalong kandidato sa eleksyon.
“Sinabi ko sa mga tao, let’s restrategize, let’s replan and then from there we took off… And the result was amazing. In fact, we were expecting na mananalo lang kami ng—o kung mananalo man kami, mananalo siguro kami ng 1,000, suwerte na ‘yung 3,000… It’s not late, anything can happen,” ayon pa sa re-electionist na alkalde.
Ibinalita ni Magalong na patuloy pang nadaragdagan ang mga tagasuporta at naniniwala kay Lacson sa Baguio City. Patunay umano rito ang mga dumarayong volunteer—na ang iba ay galing pa sa ibang mga munisipalidad—para humingi ng mga materyales upang ikampanya ang batikang lingkod-bayan.
“‘Yung headquarters namin diyan—nag-joint headquarters kami nina Senator Ping Lacson—talagang ang daming pumupunta doon, humihingi ng mga paraphernalia ni Senator Lacson. Tapos marami ring pumupunta doon para magtanong kung paano makatulong and these are people from all walks of life,” lahad niya.
Hinimok din ng alkalde ang lahat ng mga Pilipinong botante na piliin si Lacson na pinaka-kwalipikadong maging pangulo at subok na ang kakayahan, upang hindi masayang ang pagkakataon na magkaroon tayo ng isang mahusay at mabuting lider.
“My God, we cannot simply say ‘subukan natin ito or mag-trial and error tayo sa pagpili ng ating pangulo.’ We have to be very, very definitive about it… Otherwise, if we (don’t) choose the right leader, wala na. Saan tayo pupulutin?” ayon kay Magalong.
“Please, don’t miss this opportunity to choose the right leader. Please, for the sake of this country. We are talking about the survival of this country, for the sake of the future of your kids,” apela pa ni Magalong sa mga botante.