Calendar
Bilang ng patay sa hagupit ni ‘Kristine’ umabot ng 81
UMABOT na sa 81 ang bilang ng nasawi dahil sa matinding pagbaha at landslide dulot ng patuloy na pag-ulan dala ng severe tropical storm Kristine, ayon sa opisyal ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado.
Sinabi ni OCD administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno sa isang forum na ang pinakabagong bilang ng mga nasawi ay sumasailalim pa rin sa masusing beripikasyon.
Ayon sa opisyal, may 66 na nasugatan at 34 ang patuloy pang hinahanap.
Naunang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado ng umaga na umabot sa 27 ang mga biktima, kung saan karamihan ay mula sa labis na naapektuhang rehiyon ng Bicol.
Ayon din sa NDRRMC, may 20 ang nasugatan at lima ang patuloy na nawawala.
Sa Barangay Sampaloc sa Talisay, Batangas, patuloy ang paghahanap ng mga rescuer mula sa pulisya, militar at lokal na pamahalaan sa mga taong natabunan sa landslide dulot ng malakas na ulan, dahilan para lumambot ang lupa sa nasabing lugar.
Nasa 18 ang iniulat na nasawi sa landslide sa Talisay.
Ayon pa sa NDRRMC, may kabuuang 547 ang binahang lugar sa Regions 1, 2, 3, 4-A, 4-B, Bicol, Western at Eastern Visayas, Western at Southern Mindanao, Caraga, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at sa National Capital Region.
Umalis na ng bansa si Kristine matapos itong makaapekto sa halos 4.473 milyong katao mula sa halos 1,603 pamilya.
Sa kasalukuyan, ayon sa NDRRMC, may 82,000 pamilya o katumbas ng 311,500 katao ang nasa mga government-run shelters.
Ang ahensya rin ay nagtala ng halos P204 milyon na pinsala sa mga imprastraktura, parehong pampubliko at pribado, kabilang ang mga kalsada at gusali ng paaralan.
Dahil sa malakas na ulan at hangin, nasira rin ang 8,432 na tirahan. Sa bilang na ito, 926 ang lubusang nawasak.
Sa Bicol, sinabi ni Police Regional Office (PRO) 5 Director, Brig. Gen. Andre P. Dizon na may 20 katao ang nasawi dahil sa pagkalunod, landslide at mga bumagsak na puno dulot ng Kristine.
Ngunit ang bilang na ito ay patuloy pang bineberipika ng Management of the Dead and Missing ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay Dizon, sa 20 na nasawi, pito ang mula sa Naga City, lima sa Catanduanes, apat sa Albay, at tig-isa sa Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon at Masbate.
Naranasan ang matinding pagbaha sa rehiyon ng Bicol, partikular sa Camarines Sur, kung saan 722 barangay ang lubog sa baha at 74 na iba pang lugar sa Albay.
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang mga kinauukulang PRO na ilaan ang kanilang mga tao at kagamitan para tumulong sa nagpapatuloy na “search, rescue, relief, at retrieval operations” ng pamahalaan.
Ayon kay PNP spokesperson, Brig. Gen. Jean S. Fajardo, binabantayan ng mga pulis ang mga evacuation site at pansamantalang tirahan ng mga apektadong residente.
Dagdag pa niya, may mga pulis na kababaihan na naka-deploy sa mga lugar na ito para masiguro ang kaligtasan ng mga kababaihan at kabataan na nawalan ng tahanan dahil sa bagyo.