Calendar
ABC prexy sa Ilocos Norte tinambangan, patay
PATAY ang presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) sa San Nicolas, Ilocos Norte, matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin nitong Sabado ng madaling araw bago tumakas sa hindi pa matukoy na direksyon, ayon sa pulisya.
Napatay sa pamamaril si Mark Adrian Barba, 39-anyos at chairman ng Barangay 6, San Juan Bautista sa bayan ng San Nicolas.
Ang dalawa niyang kasamang hindi pa nakikilala ay nagtamo rin ng tama ng bala sa katawan at isinugod sa lokal na ospital, kung saan idineklarang dead on arrival si Barba ng doktor.
Nangyari ang insidente sa Brgy. 22, San Guillermo, habang nakasakay ang mga biktima sa isang Toyota Innova na may plate number na NDA 8116 pauwi mula sa isang sabungan.
Ayon sa mga saksi, walang babalang pinaputukan ng mga salarin ang mga biktima bago tumakas.
Agad na nagsagawa ng malawakang operasyon ang San Nicolas Municipal Police Station sa pamumuno ni Captain Randy Damo para mahuli ang mga suspek.
Sa kasalukuyan, patuloy ang mga pulis sa pag-iinterbyu ng mga posibleng saksi at pagsusuri sa mga CCTV footage sa lugar.
Narekober din ng mga rumespondeng awtoridad ang mga basyo ng caliber 5.56 mula sa isang M-16 automatic rifle na ginamit sa krimen.
Habang sinusulat ang ulat na ito ay patuloy pang inaalam ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.