BBM2 AYUDA – Personal na kinumusta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga komunidad na apektado ng Bagyong Kristine sa Bula, Camarines Sur, at kanyang tiniyak ang patuloy na suporta ng pamahalaan hanggang sa kanilang tuluyang pagbangon. Kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), namahagi ang Pangulo ng cash assistance at karagdagang food packs para maalalayan ang mga residenteng nagsisimula nang bumalik sa kani-kanilang mga tahanan. Source: PCO

PBBM nagbigay ng P80 milyong ayuda sa Naga, Albay

Chona Yu Oct 26, 2024
51 Views

PERSONAL na iniabot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang P80 milyong ayuda para sa mga biktima ng bagyong Kristine sa Naga City at Albay.

Sa situation briefing sa Naga City, nagbigay si Pangulong Marcos ng P50 milyon kay acting Albay Governor Glenda Ong-Bongao at P30 milyon naman para kay Naga City Mayor Nelson Legacion.

Galing ang pondo sa Office of the President (OP).

Maliban pa rito, nagdala rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Naga City ng 35,000 food packs.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang nasabing food packs ay mula sa kanilang regional warehouse at karagdagang supplies din ang dumating mula sa Maynila at Cebu.

Sinabi naman ni Bongao na higit sa 92,000 pamilya sa kanilang lalawigan ang direktang naapektuhan ng bagyong Kristine at nangangailangan sila ng pagkain.

“Maraming salamat po, Secretary (Gatchalian). Nakapagbigay na po ng mga 33,000 but sa dami po niyan, we are asking more or less 60,000 na food packs,” ayon pa sa gobernador ng Albay.