Pangandaman1 Budget Secretary Amenah Pangandaman

Papel ng kababaihan ibinida ni Pangandaman

47 Views

NANANATILI ang commitment ng bansa sa pagtataguyod ng women empowerment, partikular ang kanilang mahalagang papel sa pagsusulong ng kapayapaan, diin ni Budget Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng International Conference on Women, Peace, and Security (ICWPS) sa Philippine International Convention Center kamakailan, ibinahagi ni Pangandaman ang mga hakbangin ng bansa sa pagsusulong ng mahalagang papel ng mga kababaihan sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa bansa.

Ipinaliwanag ni Pangandaman ang importansiya ng pagsasama-sama at pagtutulungan, partikular sa naranasang kalamidad ng bansa dulot ng bagyong Kristine, kaya napapanahon aniya ang pagtalakay sa nagbabagong panahon at seguridad sa mga kababaihan.

“Dialogue is always a good start,” ani Pangandaman patungkol sa nagdaang kalamidad na nagsilbing malaking hamon sa mga kababaihan sa mga apektadong lugar.

Ipinunto ng kalihim ang kaugnayan ng naturang ICWPS sa United Nations Security Council Resolution 1325 na naitaguyod noong Oktubre 2000, na nanawagan sa mga kababaihan na palawigin ang partisipasyon sa pagbawas ng mga hindi pagkakaintindihan at sa pagresolba ng mga ito.

Nabanggit din ng Department of Budget and Management chief ang pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasabay sa pagbuo ng Bangsamoro Women Commission, na nakatutok sa malaking papel ng kababaihan sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng katahimikan sa naturang rehiyon.

Nagsisilbi si Pangandaman, natatanging Muslim sa gabinete, bilang co-chairperson ng Intergovernmental Relations Body, isang intergovernmental body na nagkakaloob ng institutional mechanism para sa kooperasyon at koordinasyon ng BARMM at ng national government.

Ipinaliwanag din ng kalihim ang commitment ng Pilipinas sa gender-responsive budgeting, na nagpapatupad ng “Women’s Budget” policy na nagtatakda ng hindi bababa sa 5 porsiyentong pondo ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa mga gender program.

Bukod dito, ipinabatid rin ni Pangandaman ang commitment ni President Ferdinand R. Marcos, Jr. kaugnay sa “elevating women to more prominent roles, as well as greater voice” na makikita sa komposisyon ng mga gabinete tampok ang limang babaeng minister.

“Indeed, I am proud to report that we have ensured that the global imperative of advancing women, peace, and security initiatives did not fall on deaf ears,” dagdag ni Pangandaman.

“And that 24 years later, the Philippines remains steadfast in its commitment to championing women’s empowerment and amplifying their roles in peacebuilding,” aniya.

Nanawagan si Pangandaman sa mga delegado ng ICWPS na magbahagi ng mga istratehiya, mga epektibong hakbangin at karanasan para tugunan ang mga nangyayaring banta sa seguridad, kabilang ang mga problemang pangkalusugan at cybersecurity, na nangangailangan ng makabagong solusyon para palakasin ang partisipasyon ng mga kababaihan at magsilbing instrumento ng pagbabago sa lipunan.

Ang tatlong-araw na kumperensiya ay nagtatampok ng dalawang pinagpipitagang panel na tinitiyak ang makabuluhang implementasyon ng WPS agenda at apat na napapanahong diskusyon sa polisiya at praktikal na aspeto nito.

“When we women come together and put our minds to it, we can get through any storm and even dance in the rain,” panapos na mensahe ng kalihim.