Edd Reyes

Top performing mayors lumabas sa RPMD survey

Edd Reyes Oct 30, 2024
64 Views

LIMA sa sampung alkalde sa Metro Manila ang napabilang sa sampung Top Performing City Mayors sa buong Pilipinas, batay sa pinakahuling survey na isinagawa ng RP Mission and Development Foundation Inc. (RPMD).

Nanatili pa rin si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa nakasungkit ng pinakamataas na rating na 90.58% sa job performance rating na hindi naman nakapagtataka lalu na’t ang naturang lungsod ang pinakamayaman at pinakamalaking siyudad sa Metro Manila.

Pangalawa sa kanya si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval na nakakuha ng 90.36% dahil na rin sa mabilis niyang aksiyon na lutasin kaagad ang mga kinakaharap na problema ng lungsod, tulad ng pagbaha, basura, masikip na daloy ng trapiko, at pagkakaloob ng programang pangkalusugan, edukasyon, at imprastraktura.

Nasa pang-apat na puwesto naman si Navotas City Mayor John Rey Tiangco na nakakuha ng 90.19% dahil hindi niya pinabayaan ang mga kababayang mangingisda, pati na ng kanilang mga anak, nang sunod-sunod na humagupit ang bagyo. Pangingisda kasi ang pangunahing hanapbuhay ng karamihan sa mga Navoteno kaya binibigyang prayoridad ng alkalde ang kanilang hinaing.

Nasa pang-pito naman si Paranaque City Mayor Eric Olivarez na may 89.99% job performance rating na patunay na nagampanan niya ng mabuti ang tungkulin kahit pa nga mas ninais niyang maging mambabatas gayung may nalalabi pa sana siyang dalawang termino.

Kasunod ni Olivarez ang small but terrible na magtrabaho na si Caloocan Mayor Along Malapitan na nakakuha ng 89.63% dahil sa pagpupursiging mapadali ang mga nakahanay na imprastraktura sa lungsod na halos sabay-sabay na itinatayo sa south at north area ng kanilang siyudad,

Ang survey ay nakabatay sa opinyon ng mga nasasakupan ng mga alkalde hinggil sa kanilang mga proyektong pang-imprastraktura at programang, pang-kalusugan, serbisyo sa komunidad at kalidad ng pamunuan.

Kabilang din sa mga nasa 10-top performing city mayors sa bansa sina Eric Singson ng Candon City (90.32%) Ahong Chan ng Lapu-Lapu City (90.15%), Samsam Gullas ng Talisay City (90.07%), John Dalipe ng Zamboanga City (88.71)%), at Albee Benitez ng Bacolod City (87.82%)

Navotas City, pinarangalan na naman ng DILG

PAGBATI nga pala sa Navotas City dahil nakopo ng lungod ang 2024 “Urban Governance Exemplar Awards” ng Department of the Interior and Local Government–National Capital Region (DILG-NCR) bunga ng mahusay na pamamahala.

Nakopo ng Navotas ang pitong parangal at pagkilala sa ilalim ng Urban Governance Exemplar Awards na ayon kay Mayor John Rey Tiangco ay magsisilbing patunay sa kanilang dedikasyong mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng buong komunidad. Inspirasyon aniya ito sa kanilang pamumuno upang lalu pang magsumikap na maging sentro ang lungsod ng oportunidad, seguridad, at progreso.

Ang “Urban Governance Exemplar Awards” ay isang katangi-tanging kontribusyon at tagumpay ng mga lokal na pamahalaan sa Kamaynilaan kung saan ang DILG ang pumipili ng mga nagwagi batay sa komprehensibong pagtasa at pagpapatunay nila sa maraming programa at proyekto

Mga kandidatong mambabatas, dapat daw kuwalipikado

Nanawagan si Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) President Dr. Cecilio Pedro na lumikha ng batas na magtatakda ng wastong kuwalipikasyon sa mga tatakbong mambabatas.

Sa kanyang talumbati sa ika-5-taong anibersaryo at panunumpa sa tungkulin ng Filipino-Chinese Journalist Amity Club at ng Philippine Chinese Press Club sa Lido de Paris sa Ongpin St. Sta Cruz kung saan siya ang inducting officer, pinuna ni Dr. Pedro ang pagtakbo ng kahit sino sa halalan at ang masakit pa aniya, ang nananalo ay yung mga sikat o bantog ang pangalan sa kani-kanilang larangan habang ang kuwalipikado pero hindi sikat ay pinupulot sa kangkungan..

Sabi niya, kung may itinakdang qualification para sa isang nagnanais maging pulis, mas nararapat aniya na magtakda ng kuwalipikasyon sa mga lilikha ng batas ng bansa.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].